Inabot ng tatlong oras ang mga motorista bago makatawid sa ng North Luzon Expressway (NLEX) sa San Simon, Pampanga dahil sa baha na umaagos sa Tulaoc .
Sinisi ng mga motorista ang pamunuan ng NLEX dahil matagal na nilang alam na mababa ang level ng naturang lugar sa NLEX pero hindi kumilos sa kabila ng napakataas na singil nila ng toll fee.
Noong Miyerkules ng hapon, 5 sasakyan ang nagkabanggaan dito na lalong nagpasikip ng trapiko dahil walang namataan ng NLEX patrol na dapat umayos sa banggaan.
Ito ay kasunod ng pag-apaw ng tubig sa magkabilang bahagi ng nasabing expressway bunsod ng bagyong “Egay”.
Sinabi ni Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) President and Chief Executive Officer Rogelio Singson, na may konsesyon sa pamamahala sa operasyon at modernisasyon ng NLEX, ito ang nakikitang pangmatagalang solusyon upang maiwasan na umabot sa expressway ang mga pagbabaha.
Hanggang ngayon naman ay wala pang nakikitang action ang publiko.
Matatandaan na nalubog sa baha ang magkabilang panig ng NLEX dahil sa pag-apaw ng Ilog Pampanga kung saan nakakabit ang sapa ng Tulaoc, sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan nang tumama ang bagyong “Egay” na sinabayan pa ng Habagat.
Sa kasalukuyan, nagdagdag ng mga traffic marshal ang NLEX Corporation ng MPTC pero wala naman silsng magawa upang mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko mula sa Candaba Viaduct sa bahagi ng Pulilan, Bulacan hanggang sa Tulaoc sa San Simon, Pampanga.
Inirerekomenda na subukang gamitin ang mga alternatibong ruta upang maiwasan ang bahaging ito ng NLEX na may baha.
Halimbawa na rito ang pagpasok sa Pulilan Exit upang makalabas sa Manila North Road o Mac Arthur Highway.
Naitaas na ng Department of Public Works and Highways ang lebel ng kalsada rito mula sa Calumpit, Bulacan at Apalit, Pampanga kaya’t wala nang baha.
Ibinalita rin ni Singson na patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng MPTC sa pamahalaang panlalawigan ng Pampanga at pamahalaang bayan ng San Simon upang maisaayos ang mga waterways at river system upang magkaroon ng kapasidad na saluhin ang malakas na buhos ng ulan.
Kaugnay nito, patuloy na nakasara pa rin ang Pasig-Potrero Bridge sa westbound lane ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na patungo sa direksiyon ng Subic Freeport Expressway na papasok sa Subic Bay Freeport Zone.
Bahagi ito ng preventive measure dahil sa nauukang bahagi ng mga lahar na malapit sa mga poste at pundasyon ng nasabing tulay.
Kaya’t pinapayuhan ng NLEX Corporation ang mga motoristang patungo sa Subic Bay Freeport na pumasok sa San Fernando Exit ng NLEX.
Tahakin ang Gapan-San Fernando-Olongapo Road kung saan maaaring makarating sa SCTEX sa pamamagitan ng mga interchanges sa Porac at Floridablanca sa Pampanga at sa Dinalupihan sa Bataan.
Nananatili namang bukas ang SCTEX hanggang Clark South Interchange sa westbound at ang eastbound nito patungo sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.