Kahit mayaman ka pa, ‘di ka na rin ligtas sa sarili mong tahanan.
Ito ang hinagpis ng mga residente ng isang exclusive subdivision sa Katimugang bahagi ng Metro Manila na naaalarma sa pagdagsa ng mga nangungupahang dayuhan sa kanilang lugar.
Batay sa salaysay ng isang residente, ilang homeowners ang pinaupahan ang kanilang bahay sa mga foreigner, karamiha’y Chinese, at ginamit umano sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) business.
Ngunit duda ng homeowners, hindi lehitimong POGO business ang negosyo ng mga ito at maaaring sangkot sa mga illegal aktibidad.
Puro mamahaling sasakyan ang gamit anila ng mga naglalabas-masok sa sa ‘POGO hubs.’
“May markang pula ang bahay na inupahan nila. Nagkalat ang kanilang security guard na Chinese at ang nameplate sa kanilang uniporme ay Chinese characters,” anang isang homeowner.
Napag-alaman na noong nakaraang Miyerkoles, 2 Agosto, dakong alas-4 ng hapon, may dalawang lalaking Chinese na humangos at nais pumasok sa isang bahay sa naturang esklusibong subdivision.
Kahit hindi marunong magsalita ng English o Filipino, sign language at wika nila ang inusal ng dalawang suspect para takutin ang kasambahay at driver upang papasukin sila sa loob ng bahay.
Mabuti na lamang at may “presence of mind” ang staff sa bahay kaya’t hindi sila pinapasok at tinanong ang pangalan ng mga suspect .
Hinala nila, mga armas ang nasa loob ng malalaking backpacks na bitbit ng mga suspect na nakausot ng itim na damit at posibleng may humahabol kaya gustong magtago sa kanilang bahay.
May suot na black surgical mask ang isa sa mga suspect at puting kotse na gamit nila ay nakaparada sa kalye at may dalawa pang lalaking nasa loob nito.
Kahit nakita sila nang nagdaang subdivision guard, hindi sila sinita dahil hindi sigurado kung may kakaibang pangyayari.
Isinuplong ng may-ari ng bahay sa security office at barangay ang insidente at umaasang paiigtingin ang pagbabantay sa kanilang lugar maging ng lokal na pulisya.
“Noong panahon ni Presidente Duterte, takot ang mga kriminal. Ngayon, ang mga law-abiding citizens na ang natatakot sa naglipanang mga kriminal. Ano na ang nagyayari sa ating bayan?
Mahirap man o mayaman, hindi na ligtas kahit saan,” wika ng residente.