Simula nang maglagay ng naturalized players ang Gilas Pilipinas women’s basketball team, nagkaroon ng malaking improvement sa programa ni head coach Patrick Aquino.
Nagsimula kay Kelly Hayes, at sinundan naman ni Vanessa de Jesus, ipaparada naman ng mga Pinay ballers si Malia Bambrick, isang malaking guwardya na may height na 5-foot-11, at lehitimong naglalaro sa US NCAA Division 1 school sa papalapit na William Jones Cup for women.
Si Bambrick ay dating naglaro sa Pepperdine, ang eskwela na siya ring pinaggalingan ni Ricardo Brown, isa sa pinakamaituturing na greatest players ng Philippine Basketball Association.
Nung nakaraang season, nag-average si Bambrick ng 10 points per game para tulungan ang kanyang koponan bago siya lumipat ngayong taon kung saan naman siya naglaro sa Long Beach State.
Ayon kay Aquino, malaki ang maitutulong ni Bambrick sa kanilang kampanya sa Jones Cup kung saan nais bumawi ng koponan.
Noong 2019, sumali rin dito ang Philippine women’s team bilang paghahanda sa Southeast Asian Games sa Manila.
Bagamat walang naipanalong laro noon ang mga pambato nating cagebelles, naging susi ito para mas mapabilis ang proseso ng pagi-improve ng koponan, dahilan para makopo ng Pilipinas ang kaunaunahang titulo sa SEA Games.
Sa darating na Jones Cup, kumpiyansa ang mga bataan ni Aquino sa mag magandang ipapakita ng koponan sa pangunguna ni Bambrick at mas maihanda ang Gilas women’s team sa Asian Games sa Setyembre sa Hangzhou, China.
Pero hindi lamang si Bambrick ang maituturing na key factors sa bagong grupo na binuo ni Aquino para lamang sa torneong ito.
Nariyan rin si Gabi Bade, na siyang nagsilbing X-factor rin sa ikalawang gold medal na nakamit ng Pilipinas sa SEA Games noong nakaraang taon sa Hanoi.
Si Bade ay anak ni dating PBA at MBA player na si Cris Bade na nakabase na ngayon sa Estados Unidos.
Nakuha ni Bade ang kanyang magandang shooting sa kanyang ama na kilala rin bilang isang gunner mula pa noong maglaro siya sa San Sebastian.
Nariyan rin si Kacey dela Rosa, ang pangunahing front court player ng Ateneo, na makakatambal sa kaunaunahang pagkakataon ni Jack Animam, ang premyadong sentro at veteran international player ng Gilas women’s team.
Malaki ang inaasahan kay Bambrick, ang bago nating naturalized player, pero sa sistema ni Aquino, mas nananaig ang team game kaysa individual play at asahan ang bagong bangis ng Gilas women’s team sa Jones Cup kung saan makakaharap nila ang lima pang teams na sasali kabilang ang Teams A and B na national team ng Chinese Taipei, isang collegiate team sa Japan at women’s national team ng Iran na naglaro kamakailan sa FIBA Asia Cup.