Nakakalitong isipin kung ano ang kahihinatnan ng Manila Bay sakaling matabunan na itong buo at maging lupa na dahil sa reclamation projects lalo na’t lahat ng gamit para isakatuparan ito’y naroon na sa area.
Bakit ko naitanong? Eh, ang nakaraang adminstrasyon ni President Duterte ay gumawa ng proyekto upang linisin ang naturang baybayin kung saan ginastusan ito ng ilang milyong piso upang ipakita sa mundo ang isang malinis at mala “Boracay beach” nang tabunan ito ng crushed Dolomite stone.
Gumanda nga pero isinara naman ang mga daluyan o mga kanal na lagusan ng tubig sa Malate na naging sanhi ngayon ng pagbaha.
Simple lang ang gusto kong ipunto, sayang lang ang ginugol ng gobyerno para sa Dolomite Beach dahil ito rin ang bahagi ng Manila Bay na sumasailalim sa reclamation works sa kasalukuyan.
Kung tuloy ang reclamation dapat hindi na ginalaw ang Manila bay shorelines sa Roxas Boulevard.
Nakalulungkot isipin na tuluyan na natin mami-miss ang Manila bay scenery o sunset view na isa sa pangunahing tourist attraction ng Maynila dahil wala ng dagat na tatanawin kapag tinabunan na ito ng lupa.
Sa buong Metro Manila, dalawang siyudad na lang yata ang nag- aangkin ng tanawin ng bay area, ang Pasay at ang Maynila.
Sa aking maliit na kaalaman ang limang reclamation project ay makikinabang ang mga big time Chinese businesses at wala naman maiaambag sa buhay ng ordinaryong Filipino.
Tsk tsk anak ng teteng talaga!
Kamakalawa ay pumalag ang US embassy sa Manila Bay reclamation projects, ito ba ay dahil sa security threat?
Nang iprinisinta ang mga proyekto sa Manila City government,lahat daw ng concerned parties ay naabisuhan ,eh, bakit ngayon may lumalabas palang mga pagkontra?
Talaga bang ang mga lider natin ay puro paggagaperahan na lang ang iniisip?
Hindi ba puwedeng ‘wag na natin galawin ang mga likas na lugar na binigay ng Panginoong Diyos?
Sana’y mag isip ang mga lider natin ng ibang bagay na hindi sisira ng kalikasan.
Ang mahihirap ang kawawa sakaling bumalik ang tubig sa tinabunan na dagat dahil lulubog sa baha.
Umaasa akong ire-review ni President BBM ang mga proyekto na ito para lang sa susunod na henerasyon.