Inaasahan ng administrasyong Marcos Jr. na aakyat sa halos P16 trilyon ang kabuuang utang ng gobyerno sa susunod na taon.
Lumalabas na bawat Pinoy ay may pagkakautang na P145,339.
Ayon sa Department of Budget and Management, tinatayang aabot sa P15.842 trilyon ang utang ng gobyerno sa pagtatapos ng 2024.
Batay sa Treasury report, malaking halaga ang naging utang ng gobyerno mula 2020 hanggang 2022 dahil sa nagastos nito upang matugunan ang krisis sa kalusugan at ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.
Gayunpaman, si Finance Secretary Benjamin E. Diokno ay hindi nababahala sa kabila ng paglobo ng utang ng bansa, dahil para sa kanya, ang absolute numerical value ay hindi ganap na nagpapakita sa tiyak na kalagayang pinansyal ng gobyerno.
Paliwanag ni Diokno, ang dapat tingnan ng publiko ay ang debt-to-gross domestic product (GDP) ratio, kung saan makikita ang kabuuang utang ng gobyerno kumpara sa laki ng ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework ng administrasyong Marcos, ang pamahalaan ay nagtakda ng layunin na ibaba sa 60 porsiyento ang debt-to-GDP ratio ng bansa sa 2025 at 51.1 percent sa 2028.