Nais ni Senador Raffy Tulfo na may makulong na mga kagawad o mga opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa pagkamatay ng 27 na pasahero lulan ng motorbanca na Princess Aya na lumubog sa Binangonan, Rizal noong 27 Hulyo.
Batay sa Senate Resolution (SR) No. 705 na inihain ni Tulfo kamakalawa, nais na tiyakin na mananagot ang PCG at MARINA sa anomang kapabayaan sa mga transportasyong sa tubig tulad ng nangyari sa nasabing probinsya.
“Matic may makukulong na taga-PCG, may makukulong na supervisor o inspector sa pantalan ng Philippine Coast Guard at kung kinakailangan, mga taga-MARINA. We have to stop this,” ani Tulfo.
Maliban sa mga opisyales ng PCG at MARINA, gusto din ng senador na maasunto ang kanilang superior sa ngalan ng command responsibility.
“Kung ginawa lamang ng Philippine Coast Guard ang kanilang trabaho, wala sanang lumubog na bangka.”
Binigyan diin ng senador, ang overloading, mga pasaherong hindi gumagamit ng life vests, ang kondisyon ng panahon, at ang rechecking ng mga kinakailangan permit ay kabilang sa mga hindi masusing siniyasat ng mga awtoridad.