“It’s very inhumane. hindi makatao ang ganitong tugon.”
Reaksyon ito ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr. sa pagsisimula kahapon ng pagpataw ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng isang libong pisong multa sa motorcycle rider na mahuhuling sisilong sa ilalim ng mga tulay, footbridges, at MRT stations kapag umuulan dahil itinuturing itong “obstruction.”
Paliwanag ni Reyes, ang paglobo ng bilang ng mga gumagamit ng motorsiklo ay resulta ng krisis sa mass transportation sa bansa.
Ipinaubaya na lamang aniya ng gobyerno sa commuter kung paano siya makararating sa paroroonan sa sarili niyang sasakyan kaya’t kung marami ang gumagamit ng motorsiklo at sumilong sa mga tulay kapag umuulan, hindi sila dapat parusahan ng pamahalaan.
“Maraming naka-motor dahil sa #MassTransportCrisis. Ipinaubaya na lang sa commuter kung paano sya makakabyahe sa sarili nyang sasakyan. Kaya kung madaming nakamotor ang sumisilong kapag umuulan, hindi dapat patawan ng fine o parusa ang mga tao. Hindi makatao ang ganitong tugon,” sabi ni Reyes.
Para kay George San Mateo , PISTON president emeritus at isang motorcycle user, masyadong malupit ang bagong patakaran, anti-poor at maaaring maging gatasan pa ang rider ng MMDA.
“As a rider po, sobrang harsh yang policy na yan ng MMDA. May pagka-anti poor pa at money-making/revenue-generating pa ang dating sa akin,” giit ni San Mateo.
Karaniwang sumisilong aniya sa mga tulay kapag malakas ang buhos ng ulan at may malalim na baha ay delivery riders, mga uring manggagawa na ginagamit ang motor para sa kanilang hanapbuhay at para makaiwas din sa masikip na daloy ng trapiko.
“Sino po ba ang mga riders na kadalasan na sumisilong sa mga tulay kapag naulan o may malalim na baha? Di po ba yung mga karaniwang delivery/angkas riders at iba pang mga karaniwang manggagawa na naobliga magmotor dahil sa sobrang traffic sanhi ng sobrang dami ng pribadong sasakyan na isa o dalawa lang ang nakasakay,” sabi ni San Mateo.
“Resulta ng poor at kulang na public transport system. ‘Di ko po tino-tolerate ang obstruction sa kalsada pero di solusyon yang gusto ng MMDA.”
Hindi aniya tinutugunan ng pamahalaan ang ugat ng problema at ang inaatupag ay magpataw ng multa sa imbentong violation na walang batas na pinagbabatayan.
“Di nila ina-address ang ugat ng problema ang alam lang nila magpataw at mag-imbento ng mga bagong violation na wala naman sa batas. Legally i doubt kung pwede yan gawin ng mmda na mag imbento ng bagong violation gaya ng pagsilong sa tulay,” ani San Mateo.
Wala aniya sa probisyon ng Republic Act 4136 o National Traffic Code ang pagbabawal sa pagsilong ng rider sa mga tyulay kapag maulan o tirik ang araw.
“Wala naman sa ating national traffic code o Republic Act 4136. Eh yung mga traffic enforcers nga sumisilong din sa ilalim ng mga tulay kapag maulan o sobrang tirik ang araw,” wika niya.
Maaari aniyang kuwestiyonin sa hukuman ang bagong patakaran ng MMDA.
“Kapag pinatupad yan ng MMDA ay I-urge ang mga motorcycle riders groups to legally challenge that sa korte,” ayon kay San Mateo.
Panukala ni San Mateo, magpulong ang MMDA at mga grupo ng delivery riders at motorcycle groups upang matalakay ang suliranin at mabigyan ng karampatang solusyon at hindi basta na lamang magpataw ng multa sa bagong imbentong violation.
“Sa halip na basta basta o arbitrarily na mag iimbento ng bagong violation at pagpapataw agad ng multa ang gustong gawin. Dapat pairalin nila prinsipyo ng democratic consultation at democratic governance sa pagresolba ng mga problema. Hindi yung pagpapataw agad ng multa ang gustong solusyon,” pagtatapos niya.
Sa kanyang Facebook post, inihayag ni MMDA acting chairman Don Artes sa kanyang Facebook account na sa ilalim ng single ticketing system, P1,000 ang multa sa mga lalabag sa obstruction.
Ipinagbabawal aniya ng MMDA ang pagtambay at paghihintay sa gitna ng daan para magpatila ng ulan sapagkat ito ay delikado at nagdudulot ng traffic congestion.
Matagal na aniyang may umiiral na batas laban sa obstruction at maaari itong ipatupad ng kanilang ahensiya kahit anong oras o araw.