Idineklara ng Anti-Terrorism Council si suspended Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na isang terorista bunsod ng umano’y pagiging utak sa masaker sa Pamplona, Negros Oriental na ikinasawi ni Gov. Roel Degamo at siyam pang iba noong 4 Marso 2023.
Tinagurian din ng ATC bilang pinuno ng “Teves Terrorist Group” ang kongresista.
Bukod kay Teves, binansagan din terorista ng ATC ang 11 pang katao, kabilang ang nakababatang kapatid niyang si dating governor Pryde Henry Teves, at kanyang umano’y bagman Marvin Miranda.
Deklarado rin ng ATC ang mga sangkot sa Teves Terrorist Group ang dating bodyguard ng mambabatas na sina Nigel Electona, Tomasino Aledro, Rogelio Antipolo, Hannah Mae Oray, Rommel Pattaguan, Winrich Isturis, John Louie Gonyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., at Jomarie Catubay.
Sa tatlong pahinang resolution ng ATC na may petsang 26 Hulyo, nakasaad na si Rep. Teves ang umano’y leader at mastermind ng grupo, habang ang kanyang kapatid at si Electona ang nagkaloob ng material support.
“Investigation also reveals that Hannah Mae Sumero Oray handles the operational funds for the killings while Marvin H. Miranda acts as organizer and recruiter of personnel for specific terrorist attacks,” anang ATC said.
Unang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagtaguri terorista si Teves noong Abril.
“In this case, the activities that led to the killing on 4 March all are covered under the anti-terror law: the recruitment, the financing, the purchase of firearms, the distribution of firearms,” ayon kay Remulla
Nasa labas pa rin ng bansa si Teves at nabigong makakuha ng asylum status sa Timor-Leste pero ayaw pa rin bumalik sa Pilipinas sanhi ng umano’y pagbabanta sa kanyang buhay.
Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ng pamilya Degamo, may matibay siyang ebidensya na nagsasangkot kay Teves sa mga teroristang grupo sa Mindanao.