Inaresto ng mga operatiba ng MPD-SMaRT (Manila Police District-Special Mayors Reaction Team) ang isang hinihinalang rapist na ginahasa ang 10-taong-gulang na babaeng anak ng kanyang live-in partner noong Lunes sa Asuncion St., Binondo, Manila.
Tinukoy ni PMajor Edward Samonte, hepe ng MPD-SMarT ang suspek na si Ermer Torres y Ragado, 28-taong gulang.
Napag-alaman na ginahasa ng suspek ang anak ng kaniyang live-in partner habang sila ay nagsasama sa iisang bahay mula noong 20 Nobyember 2021 sa Bacoor, Cavite.
Nang matuklasan ang krimen, iniwan ng suspek ang kanyang tirahan at nagtago. Kabilang siya sa mga most wanted person ng MPD.
Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Marissa Pajulas Estabaya, ang presiding judge ng Regional Trial Court (RTC), Fourth Judicial Region para sa krimeng Qualified Rape ng walang inirekomendang piyansa.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa MPD-SMaRT habang hinihintay mailabas ng korte ang commitment order.