Umabot sa 20 bahay ang nawasak nang gumuho ang flood mitigation structure sa pampang ng Pampanga River sa Purok 3, Barangay Tambo Adorable, San Leonardo, Nueva Ecija kahapon bunsod ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa nakalipas na mga araw.
Ayon sa isang residenteng malapit sa naganap na pagguho, ang dahan-dahang pagbaba ng lupa ay naranasan hapon ng Linggo hanggang Lunes sa ganap na alas- otso ng umaga.
Walang napabalitang nasawi sa insidente pero ang mga apektadong 108 indibidwal o 25 pamilya ay pansamantalang nananatili sa evacuation center sa San Leonardo.
Pinamunuan ni Mayor Froilan Nagano kasama ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagsasagawa ng inspeksyon sa lugar.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng landslide area monitoring ang mga tauhan ng San Leonardo Police Station.