Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga atleta, coaches at trainers ng 2023 Palarong Pambansa na lumaban ng patas at may integridad.
“Compete with excellence, fairness, and integrity. It is also my hope that you will enjoy every moment in this competition and make memories during this competition that you will keep close to your heart for the rest of your life,” ani Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 2023 Palarong Pambansa kahapon.
Tiniyak ng Pangulo na patuloy na susuportahan ng kanyang administrasyon ang sports development sa bansa.
Hinimok niya ang Department of Education (DepEd) na isulong ang pagsuporta at pagbigay ng oportunidad sa mga estudyanteng atleta.
Para kay Marcos Jr., sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga palaro ay matututo ang mga estudyanteng malaman ang importansya ng disiplina, katatagan, at pakikisama.
“This administration believes in the transformative power of sports, not only in improving one’s strength and agility, but also in building up character and discipline,” anang Pangulo.
Inanyayahan ng Pangulo ang publiko na manood at suportahan ang mga kalahok na manlalaro.
Gaganapin ang 2023 Palarong Pambansa sa Marikina City mula Hulyo 29 hanggang Agosto 5, na may kalahok na 9,000 student-athletes, coaches at officials mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.