Tuloy-tuloy na ang pagbabalik-sigla ng mga negosyo partikular na ang Small and Medium Enterprise o SME sa Antipolo City matapos ang Covid-19 pandemic.
Bagama’t may iilan na nagsara, madami na rin ngayon ang nagsipagbukas at mga bagong negosyo na makikita hindi lamang sa loobang bahagi ng lungsod kundi pati na rin sa mga lugar na may potensyal na maging matao tulad na lamang ng nasa palibot ng Ynares Center katabi ng provincial capitol.
Ayon sa nakuha nating impormasyon, magkakaroon ng major repairs ang Ynares Center dahil natengga ito sa panahon ng pandemya kung saan hindi ito nagamit.
Ngunit bago nito, humabol muna ang isang malakihang relihiyosong pagtitipon na naka-iskedyul ngayon sa nasabing auditorium.
Ito ay ang taunang kombensyon ng mga Saksi ni Jehova na may temang “Maging Matiisin.”
Layunin ng pagtitipong ito na ikintal sa mga miyembro na kailangang pagtiisan ang maraming mga bagay, pagkakataon o pangyayari alinman sa eskwelahan, trabaho at sa loob ng pamilya. Ipinapaalala sa mga miyembro na maging pasensyoso kahit sa maliliit na bagay tulad ng pagpila, maging matiisin sa traffic at iwasang makipag-away sa kapwa kahit na may dahilan pa na gawin ito.
Ang mga delegado ay nagmumula sa Angono, Binangonan, Cardona, Taytay, Cainta at ilang bahagi ng Antipolo City at Pasig City.
Ayon kay Allan Tungia, Convention Committee Coordinator ng nasabing kombensyon, aabot sa walong libo ang inaasahan nilang dadalo sa nasabing pagtitipon.
“Tampok na bahagi sa aming kombensyon ay ang bawtismo sa tubig Sabado ng umaga sa mga bagong miyembro at ang magkasunod na araw na salig-Bibliyang drama,” dagdag pa ni Tungia.
Tatalakayin sa mga pahayag, video clips at simposyum ang may kaugnayan sa pagiging matiisin dahil magbubunga ito ng magagandang resulta sa pangkalahatan.
“Inaanyayahan namin ang publiko na dumalo sa aming kombensyon mula Hulyo 28 hanggang 30, alas 9:20 ng umaga hanggang alas 4 ng hapon. Ito po ay libre at pakisuyong puntahan ang aming website na JW.ORG para sa iba pang schedule sa iba’t-ibang bahagi ng bansa,” pagtatapos ni Tungia.
Ikinatuwa naman ng mga negosyante partikular na ng mga restoran sa palibot ng Ynares Center dahil nagdagsaan ang mga kumakain at bumibili sa kanila sa loob ng tatlong araw.
“Hindi kami nakapaghanda sa dami ng tao na nakapila pero sinikap naming mapagsilbihan sila,” pahayag ng store manager ng isang fast food restaurant na ayaw magpabanggit ng pangalan dahil hindi siya awtorisado para magbigay ng statement.