Binatikos ni Sen.Imee Marcos ang mabagal na aksyon ng Ilocos Norte Electric Cooperative o INEC na maibalik ang suplay ng kuryente sa probinsya.
Isa ang Ilocos Norte sa mga lalawigan na matinding tinamaan ng bagyong Egay.
Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na tanging probinsya na lamang nila sa rehiyon ang nananatiling walang kuryente.
Aniya, ang first order of business ay maibalik na sana ang suplay subalit kulang na kulang ang linemen na aakyat sa mga poste para maibalik ang suplay ng kuryente.
Dahil wala pang suplay ng kuryente, hirap aniya ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na linisin ang mga kalsada sa mga nagtumbahang mga imprastruktura.
Ang mga probinsya sa norte ang binayo ng matindi ng bagyong Egay at naramdaman din ang epekto nito ng iba pang mga lalawigan at maging ang Metro Manila.
Habang sakit ng ulo ang restoration ng suplay ng kuryente sa Ilocos Norte ang iniinda ng mga residente, sa Metro Manila, kakaiba naman ang napansin at naranasan ng isa pang senador.
Sa isang Facebook post, pinuri ni Senador Robinhood Padilla ang mabilis na pagkumpuni ng mga linemen ng Meralco sa pumutok na linya ng kuryente sa siyudad kung saan siya naroroon.
Sa kanyang post, sinabi ni Padilla na nakita nyang nagliyab ang isang poste at nawalan ng kuryente sa kapaligiran.
Napaisip si Padilla na dahil dito ay matatagalang maibalik ang suplay ng kuryente dahil na rin sa sama ng panahon pero laking-gulat niya ng makitang wala pang 20 minuto ay dumating na ang mga linemen ng Meralco.
Kapansin-pansin tuloy ang malaking pagkakaiba sa serbisyo ng dalawang distribution utilities.
Sa panahon kasi ng kalamidad, mahalaga ang mabilis na aksyon para maibalik ang suplay ng kuryente.
Isa lang ito sa mga dahilan kung kaya’t dumarami na sa mga probinsyang sinserbisyuhan ng electric cooperatives ang nagnanais na mapabilang sa ilalim ng franchise area na sineserbisyuhan ng Meralco.
Kamakailan lang, isang petisyon ang nilagdaan ng mga residente ng Nasugbu para hingin sa kanilang mayor na simulan na ang pakikipag-usap para masailalim na ang bayan sa Meralco.
Inireklamo ng mga residente ang serbisyo ng Batangas Electric Cooperative o BATELEC I bunsod ng madalas na brownout sa bayan, na kalimitan ay sanhi ng voltage fluctuations.
Noong nakaraang buwan, labing-isang alkalde sa Laguna ang naghain ng petisyon para hingin sa Kamara at Senado na huwag nang bigyan ng prangkisa ang First Laguna Electric Cooperative Inc o FLECO.
Anila, sa kabila ng mataas na singil sa kuryente, madalas ang insidente ng brownout sa bayan na nagdudulot ng malaking perwisyo para sa mga residente.
###