Tila isang senyales na para sa dating world boxing champion na si Nonito Donaire ang magretiro sa larangan ng boksing matapos mabigong masungkit ang bakanteng titulo ng World Boxing Council bantamweight crown nang payukuin siya ng Meksikanong si Alejanrdo Santiago via unanimous decision Sabado (Linggo ng umaga sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.
Dinomina ng Mexican slugger si Donaire sa kanilang 12-round encounter kung saan nahirapan ang 40-year-old Pinoy fighter na makasabay sa bilis at lakas ng kanyang katunggali.
Naging madali para sa mga hurado ang ipanalo sa lahat ng score cards si Santiago, na dating nakaharap ng isa pang Pinoy champion na si Jerwin Ancajas kung saan nauwi sa tabla ang kanilang laban.
Nakuha ni Santiago ang scores na 115-113, 116-112, 116-112.
Mas maliit ng limang pulgada, pero mas mabilis naman sa palitan ng suntok si Santiago at ginamit niya itong sandata para hindi makasabay sa kanya ang tila bumagal nang si Donaire, na tila hindi na rin kinakikitaan ng punching power.
Bigo si Donaire na mapabilang sa hanay ng mga pinakamatatandang naging world boxing champion.
Ilan sa mga prestihiyosong naging pinakamatandang boxers na nanalo nang world championships ay sina Bernard Hopkins at George Foreman.
Tinalo ng 46-anyos na si Hopkins ang 28-anyos na si Jean Pascal noong 21 ng Mayo 2011 sa isang unanimous decision at mag-kampeon sa light heavyweight division.
Bago rito, niyanig ni Foreman – 45-anyos nang panahong muling mag-kampeon — ang mundo matapos ma-knockout si Michael Moorer noong 1994 at agaawin muli ang korona na kanyang huling hinawakan noong 1974 bago ito agawin ni Muhammad Ali sa kanilang “Rumbe In The Jungle” encounter sa Zaire, Kinshasha, ang Republika ng Congo.