Iniulat ng mga otoridad na isang bangkay ng 17-anyos na dalaga ang natagpuan sa isang bakanteng lote Barangay Liboton, Naga City anim na araw matapos siyang unang naiulat na nawawala.
Sinabi ng mga imbestigador ng Naga City Police na ang mga labi ng dalaga – na isang senior high school student ng Camarines Sur National High School – ay nakita dakong alas 3:30 ng hapon na nakabalot ng kumot at itinapon sa basurahan at nasa early state of decomposition na umano.
Kinumpirma at positibo rin itong kinilala ng kanyang pamilya dahil sa suot nitong jogging pants at shirt na siya anyang suot ng biktima ng ito ay huling makita bago napaulat na nawawala.
Natagpuan din malapit sa bangkay ang isang martilyo at isang lagari na posible umanong ginamit ng salarin.
Ayon sa mga unang ulat, ang biktima ay nawawala ng halos isang linggo at huling nakita ang dalaga na pumasok umano sa isang convenience store sa lugar.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga pulis ang kaso at naghahanap pa ng mga lead.
Ayon pa sa mga otoridad, isang linggo pa ang hihintayin para sa resulta ng owtopsiya at DNA samples ng bangkay na makapagsasabi kung paano at ano ang ikinamatay ng biktima.
Samantala, patay na nang makita ang isang 13-anyos na babae habang patuloy na hinahanap ang kaniyang ina matapos silang tangayin ng agos sa isang sapa sa Pilar, Abra.
Base sa mga paunang ulat, sinabing tumatawid ng sapa ang dalagita at ang kaniyang 51-anyos na ina nang bigla silang tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, galing ang mag-ina sa kabilang bahagi ng sapa sa bahagi ng Barangay Baliuag para tingnan ang mga alagang kambing nang mangyari ang insidente.
Samantala, nakita namang patay sa gilid ng kalsada ang isang 62-anyos na lalaki sa Barangay San Miguel sa Bucay, Abra.
Umapaw umano ang sapa at umabot ang tubig sa kalsada at posibleng nadapa ang biktima.
Sa huling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Counci ng Abra, tatlo ang nasawi sa lalawigan, apat ang nasugatan, at isa ang nawawala dahil sa bagyong “Egay.”