Pinangunahan ng Torres organisasyon ng mga kababaihan at Zone leaders ang isang signature campaign upang ihayag ang kanilang pagtutol sa naging desisyon ng Korte Suprema na ilipat sa Taguig City ang hurisdiksyon ng 10 barangay na sakop ng Makati City.
Layunin ng kampanyang inilunsad ng East Rembo Women’s organization Inc. (ERWAI) at mga Zone leaders na makakuha ng tatlong porsiyento ng bilang ng mga residente sa 10 barangay bilang pagtalima sa requirement ng isang people’s initiative alinsunod sa Republic Act No. 6735 o An Act Providing for a System of Initiative and Referendum.
Humangos ang mga residente, lalo na ang senior citizens, sa mga barangay na may mahigit 26,000 populasyon upang pumirma dahil ayaw nilang mawala ang tinatamasang benepisyo mula sa pamahalaang lokal ng Makati City.
Ipinagkakaloob ng Makati City government ang libreng gamot, lalo na ang maintenance medicines ng senior citizens na nakaspaloob sa kanilang yellow card program.
Maaaring gamitin ng “Makatizen” ang yellow card upang mabigyan ng libreng serbisyong medikal sa lahat ng health center sa lungsod at sa Ospital ng Makati (OsMak).
Binibigyan din ng Makati LGU ng libreng uniporme, bag, aklat, medyas, sapatos at iba pang school supplies ang mga estudyanteng residente ng lungsod.
Kapag umabot na sa tatlong porsiyento ng populasyon ang lumagda ay ihahain na ang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) na humihiling na idaan sa plebisito upang makaboto ang mga residente kung payag silang ilipat sa Taguig ang 10 barangay ng Makati.
Nauna rito, inihayag ni Makati City Mayor Abby Binay na hindi niya ililipat sa Taguig ang teritoryo na tinukoy ng Korte Suprema hanggang walang writ of execution mula sa court of origin.
“As long as they have not presented the writ of execution and only the judgment we will not transfer. They should get the writ from the court of origin,” sabi ni Binay.
Tugon ito ni Binay matapos igiit ng city government ngTaguig na kukunin na ang teritoryo na kanilang napanalunan sa 30-year legal battle para sa 10 barangay ng second congressional district ng Makati City.