Napakalaking perwisyo sa publiko ang pagbaha sa tuwing malakas ang pagbuhos ng ulan sa iba’t ibang parte ng bansa, partikular sa Metro Manila.
Maraming dapat ipaliwanag ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa bilyun-bilyong pisong budget para sa flood control projects ng kanilang mga ahensya.
Sinabi ng Commission on Audit (COA) sa isang kamakailang ulat na 20 flood control projects ng MMDA ang hindi natapos at 39 na iba pa ang hindi natapos sa loob ng kontrata hanggang sa katapusan ng 2021.
Ang 20 proyekto na nagkakahalaga ng P635.54 milyon ay hindi natapos takdang panahon noong nakaraang taon dahil sa pagkaantala sa procurement.
Ang 39 na iba pa, na nagkakahalaga ng P590.48 milyon, ay lumampas sa kanilang mga deadline dahil sa hindi sapat na pagpaplano at koordinasyon sa mga ahensyang kinauukulan.
Ang 20 proyekto ay kabilang sa 94 na umabot sa kabuuang P1.408 bilyon na na-program para sa 2021 sa ilalim ng Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO) ng MMDA.
Magtataka pa ba tayo kung bakit napakabilis nang pagbaha kumpara dati at napakabagal naman nang paghupa?
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works noong 8 Marso 2023, ipinagmalaki ng DPWH na handang-handa na ang kanilang ahensiya maging ang mga pumping stations sa buong National Capital Region (NCR) na may “100 percent” capacity para sa darating na tag-ulan.
Nasaan na kabuuang 13,224 flood control structures na inihanda nila sa buong bansa?
Sa pagdinig ng komite noong 2018, binatikos na ni noo’y committee chairman Senator Manny Pacquiao ang mabagal na implementasyon ng flood control projects at hinimok niya ang DPWH na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at MMDA upang mapabilis ang mga proyekto.
May COA report na noon na nabigo ang DPWH na kompletuhin sa takdang panahon ang mga proyektong nagkakahalaga ng P62.59 billion kabilang ang 622 flood-control projects.
Nakaupo na bilang senador ang isang dating kalihim ng DPWH, ano kaya ang nararamdaman niya tuwing napapanood ang paghihirap ng mga mamamayan na apektado ng mataas na pagbaha?
Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?
Iyan ang dapat sagutin ni Sen. Mark Villar at hindi makuntentong ginasgas ang linyang ito bilang campaign jingle ng kanyang ama nang mangarap na maging pangulo ng Pilipinas noong 2010.