Kung hindi magpapa-surgery si Justin Brownlee sa darating na Linggo, titiisin niya muna ang pabugsu-bugsong sakit sa kanyang paa na may bone spurs injury. “He’s still debating surgery, but if ever, he might get it this week if ever for now,” ang sagot ni Tim Cone sa pamamagitan ng Viber Message sa Dyaryo Tirada.
Apat na taon nang tangan ni Brownlee ang iniindang injury, pero hindi niya ito pinapa-opera dahil kaya naman niya itong ilaro at mananaka lang na pagkakataon na siya ay sumasakit.
Naglaro siya ng may injury habang tinulungang manalo ng dalawang championships sa Ginebra nung 2019 at nito lang taong ito at ginabayan ang Gilas Pilipinas na muling inuwi ang gintong medalya sa Southeast Asian Games na ginawa sa Cambodia.
Hindi man siya dumaan sa surgery sa Linggong ito, kinakailangan ni Brownlee na maghintay hanggang sa matapos ang taon o tapusin ang Commissioner’s Cup bago magpa-opera.
Ang Commissioner’s Cup ay bubuksan sa Oktubre sa taong ito, pero bago ang kampanya sa PBA, maglalaro muna si Brownlee bilang naturalized player ng Gilas sa Asian Games sa Hangzhou sa Setyembre.
Ano man ang desisyon ni Brownlee, inaasahan ni Cone na patuloy na maglalaro ang six-time PBA import.
“Knowing Justin, he’ll do whatever it takes to help out Coach Chot and Gilas,” ani Cone.
“There’s no other better representative for the Philippines than Justin and it’s not surprising why he’s one of us.”
Wala ring linaw kung makakasama si Brownlee sa China kung saan haharapin ng Gilas ang national teams ng Lebanon, Iran at Senegal sa Guangdong bago tuluyang bumalik sa Pilipinas sa kanilang huling parte ng paghahanda para sa FIBA World Cup.