ISANG malaking karangalan para Andrea Torres ang makasama sa isang teleserye ang idolo niyang si Bea Alonzo.
“Ang saya, Tito Boy, kasi ngayon lang po ako magko-kontrabida. I took it [the role] because Bea Alonzo is my idol. So sabi ko, ‘Wow!’ Para maisip nila na isama nila ako [sa project], ang laking trust nu’n na binigay sa akin,” sabi ng aktres sa Fast Talk with Boy Abunda noong Huwebes.
Sa kanyang pagmamasid sa idolo ay marami siyang nalaman gaya ng pagiging metikolosa ni Bea pagdating sa script.
“Ino-observe ko si Bea. Very ano s’ya…’yong script talagang inaaral n’ya. Mga bagay du’n na usually hindi mo na mapapansin, ’yong little things napapansin n’ya and kinu-question n’ya,” ani Andrea.
“Sabi ko nga, ‘Ay, dapat ganyan ako mag-isip.’ Parang pareho sila ni John Lloyd [Cruz] kasi naka-work ko rin po si John Lloyd. ’Yong meron s’yang nakikita doon sa script na, ‘Ay, oo nga no. It makes sense,’” dagdag niya.
Bukod kay Bea, kasama rin sa GMA-7 teleserye “Love Before Sunrise” sina Dennis Trillo, Cheska Fausto, Sid Lucerp, Vince Maristela at Rodjun Cruz.