Kailangan sigurong sabunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ilang miyembro ng gabinete dahil inuulan siya ng batikos dahil sa mga maling impormasyon at datos na ibinigay sa kanya.
Taliwas sa narinig natin sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr., hindi libre ang dialysis.
Sa katunayan, ayon sa Health Alliance for Democracy (HEAD), sa National Kidney and Transplant Institute, ang sagot ng Philhealth ay P2,600 lamang sa total hemodialysis payment.
Kailangang maglabas ang pasyente ng P1,000 co-payment, P1,300 para sa epoetin injections, at P2,000 for para sa dialyzer.
Ang ibang dialysis centers ay naniningil ng P200-1,400 bilang co-payment per session, habang ang epoetin injection ay umaabot sa P400-1,400.
Ang laki ng ilalabas na pera ng pasyente ang dahilan kaya marami ang hindi makapagpa-dialysis , kahit pa dinagdagan pa ng Philhealth ang coverage mula 90 hanggang 156 sessions kada taon.
Hindi rin anila nag-improve ang malnutrition, at hindi solusyon ang Food Stamp Program.
Tuloy ang pagtaas ng kaso ng malnutrition sa nakalipas na sampung taon sa may edad na 0-23 buwan.
“At least 21.6% of infants and toddlers nationwide are stunted,” sabi ng HEAD.
Hindi sapat ang Food stamp program, at hindi ito ang kailangan ng mga mamamayang kumakalam ang sikmura.
“The program only cover 300,000 family-beneficiaries in the first year, another 300,000 in the second year, and 400,000 in the third year or a total of 1M family beneficiaries, thus will not cover the 2.7M families who experienced involuntary hunger as of March 2023 based on SWS survey,” sabi ng HEAD.
Ang dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ay ibaba ang presyo ng pagkain at pangunahing bilihin, itaas ang sahod, suportahan ang local food at agricultural production hindi ang importasyon, at ipatupad ang libreng komprehensibong national public health care system.
Kapag hindi naranasan iyan ng mga mamamayan, ang “Bagong Pilipinas” brand ng administrasyong Marcos Jr. ay baka maging “Bangungot ng Pinoy” para kay Juan dela Cruz.