Kinompirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may tatlong mass grave na ginagamit na tambakan ng mga bangkay ng preso sa mahabang panahon sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City. “Ang tingin namin d’yan may dalawang mass grave pa kaming mahahanap d’yan sa loob ng maximum-security compound,” ani Remulla sa panayam sa CNN Philippines kahapon.
Inihayag kamakalawa ng Bureau of Corrections (BuCor) na may natagpuang mga labi sa loob ng pozo negro sa maximum-security compound habang hinahanap ng kanilang mga tauhan ang isang nawawalang person deprived of liberty (PDL).
Ayon kay Remulla, nakita ang naaagnas na bangkay ng nawawalang PDL na si Michael Angelo Cataroja, sa loob ng compound ng Sputnik gang.
Noong unang paghahanap kay Cataroja ay hiningi ng BuCor ang tulong ng K9 Task Force ng Philippine Coast Guard’s (PCG) K9 Task Force at natunton ang mga labi sa pozo negro sa maximum-security compound.
Kasalukuyang isinasailalim sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nakitang mga labi.
“Maraming buto ang nahanap sa septic tank at mukhang marami pa ang mahahanap roon kung talagang huhukayin lahat ‘yan,” ani Remulla.
May dalawa pa aniyang lugar na maaaring lokasyon ng mga mass grave kabilang ang pozo negro at isang hindi niya tinukoy kung saan.
“‘Yung mga long-time inmates sila nagsasabi ng information . But you have to match that kind of oral information with actual forensic findings. You cannot rely on that alone,” paliwanag niya.
Si Cataroja aniya ay maaaring pinaslang dahil sa kanyang mga utang.
“Marami raw utang ‘yan. And then parang feeble minded. Medyo may diperensya na ang pag-iisip. ‘Yan ang sinabi sa akin ,” sabi ni Remulla.
Magsusumite sa kanya ng ulat si BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ngayon kaugnay sa mga mass grave sa NBP.