Umuusok na naman ang ilong sa galit ng mga Mimosa sa Barangay sa nasagap na impormasyong ang isang sumabit sa official trip ng opisyal ng Malakanyang ay sangkot pala sa drug syndicate.
Sobrang lakas daw ng loob ni Mr. Sabit na magpaluto ng “shabu” sa kanyang bahay sa isang esklusibong subdivision sa Katimugang bahagi ng Metro Manila dahil nakasandal nga naman siya sa pader.
Sa tuwing may photo opportunity raw ang Palace exec sa binisitang bansa ay nakikipagsiksikan pa si Mr. Sabit para mapasama sa frame na tila ipinagmamalaki ang closeness niya sa makapangyarihang opisyal.
Ngunit makalipas ang dalawang buwan mula ng foreign trip ay sinalakay ng mga awtoridad ang haybol ni Mr. Sabit dahil siya pala’y isang exporter ng shabu at cocaine.
Ang siste, nakalaboso si Mr. Sabit pero kahit non-bailable ang kasong isinampa laban sa kanya, nakapagpiyansa siya.
Syempre pa, dismayado ang mga operatibang nagpakapagod para madakip si Mr. Sabit.
CLUE:
Katunog ng markang demonyo ang kanyang pangalan at ang kanyang best friend ay “bala.”