Kung lahat ng naging Pangulo ng Pilipinas ay tinupad ang mga pagbabanta kontra-smuggling, maaaring mas mababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin at mas maayos ang ekonomiya ng bansa.
Dito lamang sa ating Inang Bayan ginawang bisyo ng mga Punong Ehekutibo ang takutin ang mga smuggler sa kanilang talumpati pero wala tayong nabalitaan na may napakulong at nahatulang smuggler dahil sa paglabag sa batas.
Sa Pilipinas lang nangyayari na dumarating na ang inangkat na produkto kahit wala pang importation permit, pero okey lang sa gobyerno.
Napakarami ng itinatag na anti-smuggling task force ang iba’t ibang administrasyon ngunit hindi mawala ang bansag sa Bureau of Customs (BOC) bilang isa sa pinaka-corrupt na ahensya ng pamahalaan.
Inihayag kahapon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kailangan magpaliwanag ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at BOC kung bakit bumabaha ng imported agricultural products sa bansa.
Tinukoy ni Remulla ang isang may alyas na Queen B si Remulla bilang lider daw ng onion at garlic cartel ay may kontrol ng 55 hanggang 60 porsiyento ng operasyon nito.
“That’s what they call her, the Queen Bee. But we are also looking into other individuals. When it comes to different regions, the main person in control holds around 55 to 60 percent of the operations,” sabi ni Remulla.
May naging imbestigasyon na Mababang Kapulungan hinggil sa agricultural smuggling, tiyak naman na may committee report ito at puwedeng maging batayan ng anti-smuggling task force ni Remulla.
Nasa kamay ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng kapangyarihan para walisin ang lahat ng opisyal na kasabwat ng mga smuggler, lalo na’t siya pa ang Agriculture secretary.
Dapat ipakita niya na hindi siya kasama sa mga naluklok sa Palasyo na parang mga sirang plakang banat ng banat sa mga smuggler sa kanilang mga talumpati pero hanggang natapos ang kanilang termino, tuloy ang ligaya ng mga pinagbantaan nila.