Kinakailangang dumaan sa operasyon ni Gilas Pilipinas naturalized player Justin Brownlee para maging handa sa men’s basketball competitions in Asian Games.
Ibinahagi ni Gilas coach Chot Reyes ang matagal na iniindang injury ni Brownlee kung saan mayroon siyang bone spurs sa kanyang paa.
Apat na taon na naglalaro si Brownlee bitbit ang injury, pero hindi ito naging dahilan para pigilan ang six-time Philippine Basketball Association champion na patuloy na tulungan ang kanyang mga koponang nilalaruan.
Sa nakalipas na apat na taon, nagawa pang giyahan ni Brownlee ang Ginebra, ang pinaka-popular na team sa PBA, sa dalawang championships ng Governors Cup (2019 at 2022).
Naging instrumento rin si Brownlee sa paggabay sa Gilas Pilipinas sa nakaraang Cambodia Southeast Asian Games kung saan kinuha ng national team ang gintong medalya.
“This injury has been bothering him the last four years. It’s a recurring injury where you can simply rest and play on, but it’s been nagging him,” ang sabi ni Reyes.
Nagdadalawang isip pa noon si Brownlee na magpaopera habang hinihintay noon ng Gilas Pilipinas na mag-commit si Jordan Clarkson, pero dahil nakapirma na ng kontrata ang NBA All-Star, maari na dumaan sa ganitong proseso ang Barangay Ginebra resident import.
Kung siya ang masusunod, mas ia-advise niya kay Brownlee na magpa-opera na sa lalong madaling panahon bago magsimula ang Asian Games.
Kinakailangan ng apat hanggang anim na linggo bago maka-recover ang isang tao na dadaan sa operasyon para tanggalin ang bone spurs sa paa.
Ang Asian Games ay gagawin sa Hangzhou, China mula 23 ng Setyembre hanggang 8 ng Oktubre.
Kung sakaling magpa-opera si Brownlee, malamang na hindi siya makakasama sa kampanya ng Gilas Pilipinas na sasabak sa isang mini-tournament sa China mula 2 hanggang 6 ng Agosto.
Sa China na pupuntahan ni Clarkson ang buong koponan ng Gilas, subalit darating ito ng 6 Agosto at hindi pa makakasama sa paglalaro.
Nakatuon naman si Clarkson sa pagsama sa training ng GIlas sa pagbabalik nila sa Maynila.