Lumikha ng pangalan si Rondae Hollis-Jefferson sa Philippine Basketball Association matapos niyang giyahan ang TNT Tropang Giga sa kampeonato ng Governors’ Cup at putulin ang paghahari ni Justin Brownlee at Barangay Ginebra ilang buwan na ang nakalipas.
Pero mas nanaig pa rin ang pananampalataya ni Hollis-Jefferson, isang beterano na dating naging star player sa National Basketball Association, na piliin ang bansang Jordan kaysa sa Pilipinas at maglaro sa gitnang silangang Asya bilang naturalized player na ito.
Kinausap ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at ni Gilas coach Chot Reyes si Hollis-Jefferson sa posibilidad na mapahanay siya sa mga listahan ng naturalized players ng Pilipinas, pero mas nanaig pa rin ang relihiyon na siyang naging malaking dahilan para maglaro ito sa Jordan.
“SBP officials, including Chot, talked about doing it. But Rondae wants to play for a Muslim country and also being the lone import,” mensahe ni Jojo Lastimosa, ang champion coach ni Hollis-Jefferson sa TNT, na pinadala sa pamamagitan ng Viber message.
Sa huli, pinili ni Hollis-Jefferson, na naglaro sa Brooklyn Nets, Toronto Raptors at Portland Trailblazers, ang maging naturalized player ng Jordan.
Kilala bilang isang Muslim si Hollis-Jefferson, isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit mas pinil niyang maglaro sa Jordan para sa papalapit na FIBA World Cup.
Nasa listahan na ng Gilas sina NBA star Jordan Clarkson, Ange Kouame at Brownlee.
Si Brownlee ang pinaka-latest na naging naturalized player ng bansa matapos mabigyan ng Philippine citizenship noong isang taon at makasali sa sixth final window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Naglaro rin si Brownlee sa Redeem Team ng Gilas na nagawang muling mag-kampeon sa Cambodia Southeast Asian Games at tulungang maiuwi ulit sa Pilipinas ang gintong medalya.