BINALAAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang smugglers at hoarders ng mga produktong agrikultural na bilang na ang kanilang mga araw.
Ayon kay Marcos Jr, ang smugglers at hoarders ang sanhi kaya tumataas ang presyo ng mga produktong agrikultural, pati ang mga abonong ginagamit ng mga magsasaka.
“Isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang mga smuggler, mga hoarder, at mga nagmamanipula ng produktong pang-agrikultura. Ihahabol at ihahabla natin sila,”sabi ni Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) kahapon sa pagbubukas 19th regular session ng Kongreso.
“Sadyang hindi tama ang kanilang gawain at hindi rin ito tugma sa ating magandang layunin, pandaraya ang kanilang ginagawa. Napapahamak hindi lamang mga magsasaka, kundi tayo ring mamimili kaya’t hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran. Bilang na ang araw ng mga smugglers at hoarders na ‘yan,” giit ng Pangulo.
Inihayag din niya na maglalabas siya ng proklamasyon na naggagawad ng amnesty sa lahat ng rebel returnees mula sa kilusang komunista.
Ipinagmalaki rin niya na ang programang Kadiwa ng Pangulo ay pinakinabangan ng 1.8 milyong pamilya at nagpababa sa presyo ng pagkain kaya’t palalawakin pa ito.
Hinimok niya ang Kongreso na amyendahan ang Fisheries Code upang mapalakas ang “science-based analysis and determination of fishing areas” upang maprotektahan ang interes ng mga mangingisda.
Gaya ng sinabi niya sa unang SONA noong 2022 sinisi muli niya sa pagtaas ng inflation ang gulo sa Ukraine.
“The biggest problem that we encountered was inflation. Maraming kaganapan sa mundo ang nakagulo sa maayos na takbo ng pandaigdigang merkado. Bukod sa digmaan sa Ukraine, naroon ang patuloy na epekto ng pandemya.,” aniya.
“Pinalala pa ito ng pagkabawas ng produksyon ng mga bansa na pinagkukuhaan natin ng langis,” dagdag niya.
Ipinagyabang din niya ang paglulunsad ng Food Stamp Program na may layuning tugunan ang kagutuman at isyung may kinalaman sa nutrisyon ng “most fodd-poor Filipinos.”
Ipinangako din niya na babayaran ng pamahalaan ang lahat ng nabinbing benepisyo ng health workers noong COVID-19 pandemic.
“Upang masuklian naman natin ang naging sakripisyo ng ating mga health workers sa pribado at pampublikong ospital noong nakaraang pandemya, ipapamahagi na sa kanila ang kanilang COVID health emergency allowance at iba pang mga nabinbin na benepisyon,” aniya.
Pagsusumikapan aniya ng kanyang administrasyon na 100% sa buong bansa hanggang matapos ang kanyang termino.
Habang kaugnay sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF), tiniyak niyang walang impluwensya ng politika rito.
“They will guarantee that the investments will be made based on financial considerations alone, absent any political influence.”
Hinikayat din niya ang publiko na magtipid sa tubig sa gitna ng umiiral na El Nino phenomenon sa bansa.
Umabot sa 63 beses ang palakpak at isang standing ovation ang kanyang isang oras at 18 minutong talumpati.