Mabilis ang maturity ng isang batang team gaya ng Rain or Shine sa pagrirenda ng beteranong coach na si Yeng Guiao.
Nariyan man siya o wala, makikitaan pa rin ng mataas na kumpiyansa ang paglalaro ng mga bata ni Guiao, na sinelyuhan ang kanilang second-place finish sa single-round elimination ng Philippine Basketball Association On Tour.
Mula sa isang maigsing bakasyon sa Bali, Indonesia, dumerecho sa laro si Guiao para gabayan ang Elasto Painters sa 131-108 panalo kontra Blackwater nitong Linggo kung saan nagbigay ng 40 assists ang buong koponan.
“Nagkakakumpiyansa yung mga bata,” ang sabi ni Guiao. “We’re able to distribute equal playing time, we’re able to validate our system. We’re able to give them confidence with their games – and we’re doing it on both ends.”
“We’re hustling on defense, we’re pushing the ball on offense. We had 40 assists. Walang coach na hindi matutuwa sa 40 assists.”
Papasok pa lang sa ikatlong conference ng Elasto Painters si Guiao sa bagong grupo ng mga players na kaniyang hinahawakan.
Pero hindi na siya bago sa kultura ng franchise na kaniyang tinulungang manalo ng dalawang championships sa limang taon niyang pagko-coach noon sa team mula 2011 hanggang 2016.
Tatlo na lang sa mga players ni Guiao ang natirira mula sa last champion team na kanyang hinawakan sa 2016 Commissioner’s Cup – sina Beau Belga, Gabe Norwood at Jewel Ponferada – pero ang ibang miyembro ng koponan ay may edad nang 30 pababa.
Pero masaya si Guiao sa maturity na ipinakikita ng kanyang batang koponan.
“Itong larong ito, although alam naman nating hindi naman ito bearing talaga, but this will cement our second-place finish. We can place second kahit alam naman nating kunya-kunyarian lang yung laro dito. Bragging rights pa rin kahit papaano.”
Sa kasalukuyan, tangan ng Rain or Shine ang 8-2 win-loss record papasok sa huli nilang laban sa preseason tournament kung saan harapin nila ang Meralco sa Biyernes sa ganap na 5 p.m.