Puwedeng tulungan ng China si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte para pamunuan ang oposisyon sa Pilipinas sa 2025 midterm elections.
Inihayag ito ni political analyst at dating Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas sa panayam sa Facts First ni Christian Esguerra kaugnay sa pulong nina Duterte at Chinese President Xi Jinping sa Beijing .
Para kay Llamas, isang insulto ang Duterte-Xi meeting kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at malinaw na political support ng China sa dating presidente na nakakiling sa Beijing ang suporta noong nakaluklok pa sa Malakanyang.
“Clearly insulto ito sa kanya (Marcos Jr.) Clearly political support ito sa ex-president na naiiba ang foreign policy doon sa sitting president,” aniya.
Binigyan diin ni Llamas na napaka-importante ang suporta kay Duterte ng kanyang political party, ang PDP-Laban dahil dito maaaring ibuhos ng China ang suporta sa dating Pangulo upang maging bagong oposisyon.
“Yung suporta kay Pres. Duterte ng kanyang political party ay napakapahalaga at sa ngayon ang China ay isa sa puwedeng tumulong sa partido na yan na posibleng maging bagong oposisyon,” aniya.
“Lalo na kung totoo ang inilabas ng Vera Files na makakasama ni Digong ang kanyang anak na vice president natin, sa kaso. Malalaman by end of the year,” dagdag niya.
Napaulat na nakipagpulong si Chinese Foreign Minister Qin Gang sa mga opisyal ng PDP-Laban nang bumisita siya sa bansa noong Abril 2023, kasama ang mga kinatawan ng Communist Party of China.
“Politically, at ideologically, wala naman silang puwedeng pagkaisahan.
Kaya ang puwede lang nilang pagkaisahan ay yung paglaban sa Amerika at laban sa foreign policy ni Pres. Bongbong Marcos. Tingin ko yang visit ni Duterte kay Xi Jinping ay isang mutual attempt para ipakita na hindi , sa kabila nang pagkiling ni Pres. Bongbong Marcos sa Amerika, Europa at iba pang bansa na tinututulan ang incursions ng China sa South China Sea, ay meron pang suporta ang China sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang napaka-popular na ex-president,” paliwanag niya.
“It’s a political statement ng China at ni Duterte na meron pa kayong kakampi. At yung kakampi nyo ay hindi naman basta-basta, popular pa rin at ex president.”
Sinabi ni Llamas na hindi puwedeng maliitin ang ayudang puwedeng ipagkaloob ng China kay Duterte lalo na’t ito ang “second strongest super power” at “second biggest economy” sa buong mundo.
Posible aniyang gamitin din ng China ang kanyang impluwensya upang I-pressure ang mga bansang may kinatawan sa International Criminal Court (ICC).
“Itong iba’t ibang bansa ay puwedeng pressurin ng ikalawang pinaka-powerful country sa mundo, pinakamayamang bansa sa buong mundo. At yung mga bansa na yan ay puwede rin magbigay ng pressure doon sa kanilang representatives sa mga international court. Isa yan sa puwedeng maitulong ng China sa mga kakasuhan ng international courts,” tugon ni Llamas nang tanungin kung ano ang maitutulong ng China sa dating Pangulo.
Ibinasura kamakailan ng ICC ang apela ng Philippine government na itigil ang pag-iimbestiga sa patayan kaugnay sa isinulong na drug war ng administrasyong Duterte.
Inaasahang bago matapos ang 2023 o unang bahagi ng 2024 ay ilalabas na ng ICC ang international warrant laban sa mga kakasuhan nila kaugnay ng extrajudicial killings noong Duterte drug war.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa naglalabas ng kanyang pahayag si Duterte sa naging agenda ng meeting nila ni Xi.