Noong 2022 presidential elections campaign, inihayag ni noo’y presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi siya pabor sa phaseout ng traditional jeepneys.
Nagkaroon ng munting pag-asa ang mga tsuper at operator ng tinaguriang “Hari ng Kalsada.
Sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong mula pa noong administrasyong Duterte, ang mga jeepney operator ay obligadong sumali sa kooperatiba o korporasyon na mangungutang sa mga bangko para bumili ng modern jeep o mini-bus.
Nakapaloob ito sa pamamagitan ng DOTR Dept Order # 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG) na pinirmahan ni dating Transportation Secretary Art Tugade noong June 19, 2017.
Naudlot ang implementasyon nito sanhi ng COVID-19 pandemic.
Pero pag-upo ni Marcos Jr. sa Malakanyang, iniamba ang ganap na pagpapatupad ng PUVMP kaya nagkasa ng isang linggong tigil-pasada ang iba’t ibang transport groups noong Marcos 2023.
Dalawang araw pa lamang ang transport strike, humiling na ng dialogue ang Malakanyang sa mga transport group leaders at ipinangako sa kanila na rerepasuhin ang PUVMP.
Tiniyak pa ni Marcos Jr. noong 3 Marso 2023, walang mawawalan ng trabaho sakaling ipatupad ang PUVMP at hindi na ipipilit na magmiyembro sa kooperatiba ang mga operator at driver basta siguradong ligtas pang ipasada ang mga traditional jeepney.
Hiniling nila sa Malakanyang na maglabas ng isang executive order na nakasaad ang kanilang pinag-usapan.
Walang dokumentong inilabas ang Palasyo hinggil sa pulong ng isang kinatawan ng Office of the Executive Secretary, Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil kina PISTON national president Modesto Floranda at Mar Valbuena, pangulo ng MANIBELA.
“Napagkasunduan na kagabi yon ang lahat ng hinaing namin, yung gustong mangyari syempre hindi uniform talaga merong gusto na magcooperative, merong gusto na single franchise pa rin at ayaw po nila ma phaseout yung kanilang jeepney na magkaroon ng malaking utang sa hina ng biyahe hindi talaga makakabayad yun yung sinabi natin at ang sagot sa atin ng gobyerno, ng Malacanang ay “saan din kami kukuha ng ipapautang sainyo?” Kampante kami na hindi mapephaseout kasi sino po ang popondo dito sa modernization program,” sabi ni Valbuena matapos ang meeting sa Malakanyang.
Makaraan ang apat na buwan, isang tigil-pasada na naman ang ilulunsad ng transport groups dahil wala naman palang kinahitnan ang pakikipag-usap nila sa pamahalaan.
Walang nabago sa paninindigan ng gobyerno na ipatupad ang PUVMP kahit pa aminado si Transportation Secretary na nasa 6,000 units palang ang “modern jeepneys,” na mukhang mini-bus, habang ang traditional jeepneys ay nasa 180,000.
Sa halip na harapin ang isyu ng PUVMP at tuparin ang pangako, mas pinili ng gobyerno na suspendihin ang klase sa lahat ng antas pati trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.
Kaya ang tanong ng mga operator at tsuper ng jeepney, “Hindi pa ba malinaw sa gobyernong Marcos Jr. na palpak ang negosyong PUVMP na sinimulan ni Duterte/Tugade? Bakit pilit pa din yan pinapatupad ng gobyernong Marcos at ni DoTR Secretary Bautista?”
Walang episyenteng public transport na maasahan ang mga mamamayan kaya’t kung mamadaliin ng pamahalaan ang pagwalis sa mga jeepney sa lansangan, para na rin itong nag-iimbita ng mas malaking problema.
Sa “Bagong Pilipinas” ba’y walang puso at walang malasakit ang gobyerno?
Nabudol na naman ba tayo?