Hindi makapaniwala ang mahigit na 300,000 residente ng tinaguriang enlisted men’s barrio (EMBO) na ang kinagisnan nilang lugar na siyang sinilangan at kinalakhan na sakop ng Makati City, ang financial district ng bansa ay mapupunta sa Taguig dahil lamang sa isang mapa.
Iginagalang ng pamunuan ng Makati City sa pangunguna ni Makati Mayor Abby Binay ang desisyon nito na ang 10 barangay sa ikalawang distrito ng Makati ay nasa kamay na nang Taguig City, dahil iyon ang dapat na gawin.
Ngunit sa mga salitang sinasambit ni Mayor Abby ay hindi maikakaila na nagdurugo ang puso niya sa mga maiiwanang mga anak, nanay, tatay, lolo at lola na talaga namang pinagsisilbihang maigi.
Bagama’t kakarampot ang buwis na nakokolekta mula sa sampung barangay na ito ay sinusuklian ito ng bilyong pisong serbisyo para masiguro na maalwan ang buhay ng mga residente.
Ang malaking katanungan naman ng mga residente lalo na ang mga senior citizens, bakit hindi man lamang sila tinanong kung saan nila gustong pasakop, sapagkat ang kinagisnan nila ay Makati City ang kanilang bayan mula pa sa kanilang ninuno na pawang mga enlisted personnel. Kaya nga Enlisted Men’s Barrio, ‘di ba mga brad?
Bakit anils noong lubak-lubak ang kalsada, walang ilaw at tubig na tila isang malaking kadawagan sa kalungsuran ay walang nagtangkang umangkin sa lugar at ngayong maayos na ito at kumpleto sa imprastruktura ay biglang hinabol?
Ngayon ang sentimyento ng mga tao na hindi matanggap ang paglilipat ng hurisdiksyon ay lumalakas at hindi tayo magugulat kung ito ay sasambulat sa isang pagkilos upang protektahan ang kanilang karapatan na mabawi o maibalik sa pamamahala ng Makati City ang kanilang teritoryo.
Ayon sa isang senior citizen na ating nakausap, hindi nila maubos maisip na ang proklamasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986 na nag-award sa lupaing kinatitirikan ng kaning mga bahay ay mababalewala pati na ang proklamsyon ni dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino noong 1991, kaya nga nagkaroon ng titulo ang 300 square meters na lupaing ibinigay sa mga enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ngayon ay malaki ang agam-agam ng mga residente hindi lamang ng mga senior citizens kundi pati ang mga magulang ng mga estudyanteng nasanay sa “perks” na natatanggap nila mula sa Makati City.
Paano na ang libreng hospitalization at gamot ng mga residente lalo na ang maintenance medicines ng mga seniores at senyoras ang uniporme, libro at iba pang pangangailangan ng mga estudyante? Kaya ba itong tapatan ng pamunuan ni Mayor Lani Cayetano?
Narinig ng mga residenteng apektado ang salita ng Mayora Lani na kaya nilang tapatan ang mga ito at huwag umanong mag-aalala ang mga ito dahil handa silang pagsilbihan ang mga tao.
Hintayin po natin ang kasunod na kabanata.