Bigo si Alex Eala na makaabante sa championshp round ng W100 Vitoria-Gateiz women’s singles tournament sa Peña Vitoriana Tennis Club sa Vitoria-Gasteiz, Spain nitong Sabado ng gabi (Linggo ng madaling araw sa Maynila).
Naging hadlang muli sa kampanya ng Pinay netter si Jessika Ponchet, ang French na karibal ni Eala, na tinalo siya sa ikatlong pagkakataon sa nakalipas nilang apat na paghaharap.
Mainit man ang simula ni Eala, nagawang makabalik ng mas malakas ni Ponchet, na nanalo matapos ang tatlong set, 2-6, 6-4, 6-2, na kinailangang laruin ng isang oras at 55 minuto.
Ang 18 anyos na si Eala, produkto ng prestihiyosong Tennis Academy ng multi-titled champion na si Rafael Nadal, ay puspusang naghahanda para sa kanyang nalalapit na kampanya sa Huangzhou Asian Games mula 23 September hanggang 8 October.