Kagyat ang pangangailangan upang maglaan ng pondo ang gobyernong Marcos Jr. para sa sapat na programang pabahay sa mga maralitang taga-lungsod.
Inihayag ito ng mga grupong Urban Poor Coordinating Council (UPCC) at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) kaugnay sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bukas.
Binigyan diin ni UPCC spokesperson Carmelita Collado, na mahigit 4.5 milyong Pinoy ang walang bahay habang 3.8 milyon ay informal settlers.
Kakarmpot aniya ang alokasyon na Php2 milyon para sa National Housing Authority (NHA) at Php4 bilyon para sa housing projects habang ang Build Better More projects ng administrasyon ay pinaglaanan ng Php1.20 trilyon.
Ang naturang BBM projects aniya ay nagbigay daan sa sapilitang pagpapalayas at banta ng demolisyon sa urban poor communities sa Metro Manila.
“Ipatigil ang lahat ng uri ng ebiksyon sa maralitang komunidad, kasama na dito ang iba’t ibang uri ng demolisyon, reklamasyon, at harassment,” sabi naman ni KADAMAY secretary general Mimi Doringo.