Wala pa ring linaw kung kailan makakabalik sa Pilipinas ang National Basketball Association star na si Jordan Clarkson para giyahan ang Gilas national team na sasabak sa papalapit na FIBA World Cup.
Pero ipinaliwanag naman ni Al Panlilio, presidente ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, na ikinakasa na ng grupo ang muling pagpasok ni Clarkson sa Philippine men’s basketball team.
Kung anong petsa man siya darating ay hindi idinetalye ni Panlilio maliban sa gianagawaan na nila ng paraan na mapasama ang Utah Jazz guard sa lalong madaling panahon.
“We’re finalizing it,” ang sabi ni Panlilio.
Hindi rin detalyado kung sa Pilipinas ba o sa China na sasama si Clarkson para makapag-training at makalaro sa tune up games ng Gilas.
Tutulak papuntang China ang Pilipinas sa 1 ng Agosto kung saan lalabanan nila ang national teams ng Iran, Senegal at Lebanon mula 2 hanggang 6 ng Agosto,
Huling naglaro si Clarkson noong ika-apat na window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na ginawa sa Beirut at sa Mall of Asia Arena kung saan ipinamalas niya ang world-caliber performance.
Pero dati ring naglaro si Clarkson sa Philippine team sa 2018 Asian Games noong panahong si Yeng Guiao pa ang coach ng koponan.
Habang hinihintay si Clarkson, nagbigay ng garantiya naman si Kai Sotto, ang 7-foot-3 NBA aspirant na makakasama na siya sa ensayo sa Lunes.
Nagpakita si Sotto noong Huwebes, isang araw pagkalapag pabalik sa Pilipinas matapos maglaro sa NBA Summer League para sa Orlando Magic.
Pero dahil sa tinamo nyang injury sa likod, minabuti munang magpahinga ni Sotto.