Kinompirma ni Romblon State University (RSU) President Merian Mani na papatawan ng dalawampung oras na community service ang mga estudyanteng kabilang sa rally noong nakaraang linggo.
Kabilang sa community service ay pinadadalo ang mga naturang estudyante sa isang debriefing session.
Matatandaang nagsagawa ng rally sa harap ng administration building ang mga estudyante ng RSU na napasama sa mga natanggal sa mga mabibigyan sana ng latin honors matapos ipatupad ng pamantasan ang bagong guidelines na nagtatakda rito.
Dala ang mga placards, nanawagan ang mga estudyante sa pamunuan ng RSU na suspendihin muna ang implementasyon ng nasabing kautusang inaprubahan na ng Academic Council at ng Board of Regents.
Imbes pakinggan ang hinaing ng mga estudyante, nagsagawa ng imbestigasyon ang fact-finding committee (FFC) bilang tugon sa reklamong isinumite ni VPAA Dr. Emelyn Montoya tungkol sa hindi awtorisadong rally at di umano’y bastos na asal ng mga estudyante.
Una nang napag-desisyunang suspendihin ang mga nag-rally ng 1-30 araw pero ito’y tatama sa araw ng kanilang graduation ceremony at pagkuha ng good moral certificate kaya naman nakiusap ang mga sangkot sa rally na siya namang pinagbigyan ng presidente at management ng unibersidad.
“What is important now is that I am at peace to see the students happy, grateful with the forgiveness they received. They got the best life lessons in this experience. I hope they will be better persons having pass this trial in life,” giit ni Mani. .
Nilinaw naman ng RSU na walang gagawing pagbabago sa bagong guidelines dahil mabusisi ang pinagdaanan nitong proseso bago maipasa.