Ipinapapanukala ang paglipat ng administrative supervision ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa Office of the President (OP).
Sa kasalukuyan, ang PhilHealth na pangunahing ahensya na nagpapatupad ng Universal Health Care Act ay nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Health (DOH).
Mayo ngayong taon nang kumpirmahin ng DOH ang nasabing plano, matapos itong punahin ni Senadora Risa Hontiveros.
Ayon kay dating Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, bumuo ang kagawaran ng isang technical working group kasama ang ilang opisyal ng PhilHealth para pag aralan ang panukala.
Partikular umano sa nais tutukan ng TWG kung maaari nga bang mailipat ang PhilHealth sa OP.
Sa ilalim ng Republic Act 7875, ang PhilHealth ay isang tax-exempt government corporation na nakakabit sa DOH para sa policy coordination at guidance.
Pero makatutulong nga ba ang panukala sa pagpapatupad ng UCH?
Ayon kay Acting Health Secretary Ted Herbosa, maituturing na “immaterial” o hindi importante kung matutuloy ang itinututulak na pagbabago sa PhilHealth.
“PhilHealth’s mandate is to provide reimbursements for its members. Give health benefits to its members,” ani Herbosa.
“[To] pay the hospitalization of its members whether that is under the Office of the President or under the Department of Health, I think is really immaterial,” dagdag niya.
Sinabi rin ng kahilim na maaring makatulong pa nga kung mapupunta sa kamay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahala sa PhilHealth.
“Maybe there’s a benefit in transferring it to the [Office of the] President. Maybe the people inside PhilHealth will be more scared to do something stupid,” pagdidiin ni Herbosa.
“I think that is what is happening to the DA [Department of Agriculture] because the secretary is the president. They are all behaving,” dagdag niya.
Mahigit isang taon matapos maupo sa kanyang puwesto, nananatili bilang kalihim ng Department of Agriculture si Pangulong Marcos, kasabay ang pamamahala sa samu’t saring isyu na nakakaapekto sa bansa.
Kung ililipat ang pamamahala ng PhilHealth sa opisina ng pangulo, mas mapapabuti nga ba ang kalagayan ng tulong pangkalusugan na inaasahan ng maraming Pilipino?
Ano nga kaya ang rason sa likod ng panukalang paglipat ng pamamahala ng PhilHealth na mayroong bilyong-bilyong pondo?
Noong nakaraang taon, sinabi ni Sherley Domingo na noo’y tagapagsalita ng PhilHealth na aabot sa P177 billion ang reserve funds ng kumpanya, mas mataas ng 25% kung ikumupara noong 2020.
Bukod sa direktang kita mula sa mga miyembro nito, nakakatanggap din ang PhilHealth ng pondo mula sa Philippine Amusement Gaming Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office, alinsunod sa UHC law.