By: CELESTE ANNA FORMOSO
Planong mangutang ng administrasyon ng Palawan ng P2-bilyon sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa mga proyektong ilulunsad nito sa iba’t ibang lungsod.
Bunsod ng mahigit limampung programa ng probinsya, ilalaan nito ang dalawang bilyon bilang pondo sa konstruksyon ng mga daan, gusali at paglutas sa isyu ng pagbaha.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Christian Jay Cojamco, may naka-linyang 21 road programs, 30 flood control programs, at dalawang building programs ang probinsya, kung saan nilinaw niyang ang matatanggap na pera ay para maisaayos ang pinsalang dulot ng malakas na bagyo nitong mga nakaraang buwan.
“As we all know, in the last years, several typhoons hit the province damaging infrastructures so we want to open access to far-flung barangays so we will implement road constructions and concreting,” pahayag niya.
Giit ni Cojamco, mahahati ang budget sa dalawa: P1.4- bilyon para sa road development at P600-milyon naman para sa flood control and construction.
Kasabay magbigay ng offer ng DBP ang LandBank na may halagang P1.4-bilyon, pero binawi rin nila ito.
Ang loan naman ay inaasahang maibalik sa loob ng 15 taon na may kasamang pondo mula sa taunang National Tax Allocation ng gobyerno.
Dagdag ng abogado, pinayagan ang Palawan na manghiram muli sa DBP dahil nabayaran na ang karamihan sa naunang loan nito.
Tiniyak ni Cojamco na magkakaroon ng mas accessible na daan para sa mga liblib at masisikip na barangay dahil sa mga programang nakalaan para kapakanan ng mga mamamayan ng lalawigan.