Isang araw bago lumapag pabalik ng Pilipinas, nagpakita si National Basketball Association aspirant Kai Sotto sa ensayo ng Gilas national pool na puspusang naghahanda para sa papalapit na FIBA World Cup.
Kasama ang kanyang ama na si dating Philippine Basketball Association player Ervin Sotto, nakipagusap si Sotto kay Gilas head coach Chot Reyes upang ipakita ang kanyang pagnanais na mapabilang sa koponan sa World Cup kung saan magho-host ang Pilipinas kasama ang Japan at Indonesia.
“Nagpunta kami ng Huwebes,” ang sabi ng Ama ni Kai sa kasagsagan ng tune up game ng Gilas at Ateneo men’s basketball team, ang defending champion ng Universities Athletic Association of the Philippines.
“Pero pahinga muna, kasi masakit pa yung likod.”
Nagtamo ng back spasm injury si Sotto sa kanyang huling laro sa NBA Summer League sa laban ng Orlando Magic at Boston Celtics kung saan hindi natapos ng 7-foot-3 center ang kanilang laban.
Sa pagsipot ni Sotto sa tune up game ng Gilas, inaasahang sasali na siya sa mga susunod na araw para magensayo, pero kailangan niyang sumama sa 25 Hulyo kung saan nag-set ng deadline si Reyes para sa mga aspirants ng World Cup.
Ang deadline ay magbibgay sa mga gustong mapabilang sa koponan ng isang buwang preparasyon sa World Cup na magsisimula sa 25 Agosto hanggang 10 ng Setyembre.
“We have a date of July 25. That’s one month before our first game and one week before our game in China. It’s important for us to have a practice time before, whoever comes in and play in China.”
Pero habang nagakakaroon na ng linaw ang pagsali ni Sotto sa Gilas, nakabinbin pa rin ang pagdating ni NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz.
Huli na si Clarkson sa kanyang pangakong pagsali sa Gilas anim na Linggo bago magsimula ang World Cup, patuloy pa rin ang paghihintay ng Pinoy basketball fans sa 6-foot-5 guard na naglaro na para sa koponan ng Pilipinas noong 2018 Asian Games sa Jakarta at sa fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na ginananp sa Mall of Asia Arena at Beirut noong nakaraang taon.
Wala pa ring klarong detalye kung kailan sasampa si Clarkson para magensayo sa Gilas sa kabila ng pag-garantiya ng kanyang tatay na si Mike na maglalaro ang kanyang anak para sa koponan ng Pilipinas.