Sabik makatambal ng Youtuber at aktres na si Ivana Alawi sina Joshua Garcia at Coco Martin kung mabibigyan siya ng pagkakataong mamili ng leading man.
Mahuhusay na aktor raw ang dalawa kaya gusto niya silang makasama sa isang pelikula kung sakali, pahayag ng aktres sa panayam niya sa entertainment press.
“Kasi they’re very mahusay. Napakahusay nilang mga actor, and I want to experience working with very talented actors.”
Hindi na bago sa kaalaman ng marami na noon pa man ay si Joshua Garcia na ang celebrity crush ng aktres, kung kaya’t sinabi niyang hindi siya magdadalawang isip kung mayroong kissing o intimate scenes siyang gagawin kasama ang aktor.
“Actually marami naman na po akong nakaka-kiss sa [eksena]…[Kung kay Joshua] oo naman po, kung kailangan sa trabaho,” giit niya.
Tinanong rin siya kung kakabahan ba siyang gawin ito kung nagkataon at confident na sagot ng aktres, “Parang mas kakabahan siya [Joshua].”
Kilala si Joshua bilang “The King of Mukbang” dahil sa madalas nitong pag-trending sa tuwing may kissing scene siya sa kanyang mga teleserye.
Sabi rin niya ay gusto niyang makasama sa isang proyekto ang loveteam ng KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla).
Samantala, nagpasalamat naman ang 26-year-old na aktres sa mga sumusuporta sa kanya, lalo na sa Panginoon, sa kanyang pamilya, fans, at mga bosses ng ABS CBN.
Noong Miyerkules ay nag-renew ng exclusive contract si Ivana sa Kapamilya Network kasama ang mga big bosses na sina ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak, ABS-CBN Chairman Mark Lopez, Chief Operating Officer for Broadcast Cory Vidanes, Star Magic Head Laurenti Dyogi, Star Magic manager Alan Real, at PPL Entertainment CEO Perry Lansigan.
Matatandaang huli siyang bumida sa A Family Affair series kasama sina Gerald Anderson, Sam Milby, Jake Ejercito, at Jameson Blake.