Nagsisilbing instrumento ang “Build Better More” infrastructure program ng administrasyong Marcos Jr. Para pagkakitaan ng mga oligarko sa pamamagitan ng pagkuha ng mga kontrata para sa mga proyekto at gawin itong ekspansyon ng kanilang mga negosyo.
Nakasaad ito sa praymer ng Ibon Foundation na “Ang Budol ng Taon” kaugnay sa isang taon ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
Nakasaad sa Ibon praymer na pawang malalaking negosyante ang nakikinabang sa mga proyektong ito sa pamamagitan ng kanilang negosyo na ipmprastruktura at real estate at sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mahusay na imprastruktura para sa kanilang negosyo.
Inihalimbawa ng grupo ang binubuong MRT-7 na nasa kamay ng San Miguel Corporation na pagmamay-ari ni Ramos Ang na naging susi sa pagpapalawak ng mga real estate na negosyo ng mga Villar, Ayala at Sy, sa karatig na siyudad ng San Jose del Monte sa Bulacan.
“Tinatayang aabot sa Php9 trilyon ang kabuuang halaga ng BBM ni Marcos Jr kaya hindi kataka-takang masugid ang pag-akit ng pondo para rito. Magmumula ang pondo para sa taunang badyet ng gobyerno, sa mga pautang official development assistance (ODA) mula sa mga mayayamang bansa, at sa pribadong sektor sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPP).”