Umaasa si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na ipaliliwanag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang mga kontrobersyal na desisyon ng kanyang administrasyon at hindi mga achievements lang sa nakalipas na taon.
“Sana ‘yung achievements niya sa one year, ano yung plano niya sa next 5 years of his administration. And of course yung paliwanag sa mga kontrobersyal na decisions na naganap,” ayon kay Pimentel sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kamakalawa.
Tinukoy ng senador ang mga kontrobersyal na desisyon na dapat ipaliwanag ni Marcos Jr. gaya ng dalawang sugar import order na inisyu ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa loob lamang ng isang taon; ang pagdagdag ng apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa; ang madalas na paggamit ng US military aircraft sa mga paliparan sa Pilipinas; agricultural smuggling ; pagtaas ng presyo ng sibuyas sa world record price na 800 kada kilo; paglobo ng utang ng bansa na umabot sa na mahigit P14 trilyon at hirit na siyam na porsiyentong dagdag sa pambansang budget sa 2024.
“Number 1 yung bakit in less than one year, dalawa na agad ang iskandalo o controversy sa Sugar Regulatory Administration. number 2, itong EDCA sites, bakit natin dinamihan? Para saan ba ito? Kasama na rito sa EDCA yung reports na si Sen. Imee ang nagbulgar, increase sightings and frequency of use of our airports by us military aircrafts. number 3, smugling tsaka presyo ng sibuyas and other agricultural products, bakit umabot ang sibuyas sa world record price na 800 pesos per kilo sa loob ng kaniyang term. And then ang utang ano na talaga ang level at status ng utang paano natin mababayaran and of course, para na lang lima, yung budget, ano tong budget proposal na ang narinig ko, 9% higher, bakit? Saan papunta?” sabi ni Pimentel.
Virtual attendance lamang ang gagawin ni Pimentel sa ikalawang SONA ni Marcos Jr.
“Puwede palang online, online na lang ako,” aniya.
Nagpahayag din ng kahandaan si Pimentel na magbigay ng argumento sa Korte Suprema hinggil sa Maharlika Investment Fund Act kapag kinuwestyon na ito ng ilang grupo.
“ Sigurado ako na merong magke-kwestyon nito sa supreme court, siguradong sigurado yun. uulitin ko yung sinabi ko na nandito ako at ang aking mga staff na meron alam kung ano ang nangyari rito to provide sum facts some arguments, other info na kailangan pa ng mga magke-question nito sa Supreme Court,” anang senador.
Itinuring ni Pimentel na “very sad day” ang araw na nilagdaan ni Marcos Jr. ang MIF Act, isang batas aniya na minadali, hindi malinaw ang importansya sa mga Pilipino, at isinusugal ang P100-B pera ng bayan para lamang may mabanggit sa SONA ang Pangulo.
“This is a very sad day. Hindi magandang araw ito kasi imagine mo ginawa nating batas ang isang bagay na hindi naipaliwanag ano bang importansya nito, bakit minadali ito. Anong mabibigay nito sa Pilipino? Kung mayroon man, kailan? hindi maganda,” aniya.
“Ang masakit dito kung ang tamang sagot sa tanong na bakit minamadali, para lang may mabanggit sa sona? imagine niyo yun! mamadaliin niyo ganitong klaseng batas 100+ billion pesos ilalagay sa isang fund, isusugal. Minadali natin ito para lang maanounce sa sona? Wala naman ito sa listahan ng priority bills noon,” dagdag niya.