Nagulat ang lahat nang matunghayan sa Chinese state-run news agency Xinhua na nagkita sina Chinese President Xi Jinping at dating Presidente Rodrigo Duterte sa Diagyutai State Guesthouse sa Beijing, China kamakalawa.
Naganap ang pulong ng dalawang magkaibigan sa bisperas ng pagbasura ng International Criminal Court (ICC) sa apela ng gobyernong Marcos na huwag nang ituloy ng ICC prosecutor ang imbestigasyon sa mga naganap na patayan sa madugong drug war na isinulong ni Duterte.
Sa panayam kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kahapon , sinabi niyang nalaman niya ang pagtatagpo nina Duterte at Xi.
“I hope they talked about all of these things so that we can make progress because that’s what we really aim for, to continue the dialogue,” ani Marcos Jr.
Ibig sabihin, sariling diskarte ni Duterte ang pagpunta sa Beijing at hindi niya isinugo para kausapin si Xi.
Napaulat na iginiit ni Xi na sa panahon ni Duterte bilang Pangulo ng bansa, nagpasya itong pagandahin ang relasyong Pilipinas at China .
May katuwiran naman matuwa si Xi sa dating Pangulo dahil sa panahon nito sa Malakanyang ay tinawag na “piece of paper” ang arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Noong administrasyong Duterte, sapat na ang pangakong bilyon-bilyong halaga ng proyekto para sa Pilipinas na hindi tinupad ng China, pero hindi umalma ang gobyerno.
Naging mas agresibo ang pagkilos ng Chinese Coast Guard sa WPS pero hanggang note verbale lang ang ginawa ng administrasyong Duterte.
Ngayong tila hindi na mapipigilan ang paglalabas ng ICC ng arrest warrant laban kay Duterte bunsod ng crimes against humanity of murder, bilang mabuting kaibigan, natural lamang na saklolohan ni Xi si Duterte at baka alukin pa ng political asylum sa China.
Hindi nga naman nakasisiguro si Duterte na hindi siya “isusuko” ng administrasyong Marcos Jr. sa ICC lalo na’t ang ikinikilos ng kasalukuyang gobyerno ay iba sa ginagawa.
Kung hindi nga naman kinikilala ng Pilipinas ang ICC , bakit naghain ng apela? Malinaw na kinikilala nito ang proseso o sistema ng ICC kaya okey lang sa kanilang ituloy ang imbestigasyon laban kay Duterte.
Mukhang nagkamali si Duterte sa kanyang pahayag noong 7 Abril 2022 hinggil kay Marcos Jr, “And he is a very weak leader—his character—except for the name. The father [was], but him? What has he accomplished?”