Kinondena ng Taumbayan Ayaw sa Maharlika Fund Network Alliance (TAMA NA) – isang malawak na alyansa ng mga mamamayan na binuo upang tutulan ang pagpasa ng Maharlika Fund Act at isulong ang transparency, pananagutan, at mabuting pamamahala – ang paglagda ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa nasabing panukalang batas ngayong araw.
Tiniyak ng grupo na maghahain ito ng petisyon para kwestyunin ang konstitusyonalidad ng Maharlika Fund Act sa takdang panahon
Naniniwala ang TAMA NA na ang ang Maharlika Fund ay posibleng malaking palabigasan (milking cow), ng mga burukrata, dinastiyang politikal, at mga korporasyong konektado sa kanila.
“Halos lahat ng grupo ng mga ekonomista sa bansa – na magkakaiba ng ideolohiya – ay tumututol din sa pagpasa ng Maharlika Fund Act, dahil walang sapat na mga probisyon sa panukalang batas upang matiyak na ang pera ng bayan ay tutubo (lalo na’t hindi maganda ang panahong ito sa mga pamumuhunan, tulad ng ipinapakita ng malalaking pagkalugi ng kahit na medyo maayos na pinamamahalaang mga sovereign wealth fund) at/o na ang publikong pondo ay hindi dadambungin o gagamitin upang paboran ang ilang mga korporasyon (lalo na’t ang ilang mambabatas at kanilang mga kapamilya ay may malalim na koneksyon sa mga negosyo sa mga sektor kung saan maaaring mamuhunan ang Maharlika Fund).”