Pinayuhan ng doktor si Mega Star Sharon Cuneta na magpahinga ng isang linggo dahil sobrang barado ng kanyang ilong at namamaga ang kanyang lalamunan.
“Sinabi ng doc ko kailangan ko daw i-rest ang voice ko ng one week… Bukod daw sa fatigue, stress-induced daw,” sabi ni Sharon sa kanyang Facebook post noong 16 Hulyo.
Kaya naman hinto muna sa shooting ang Mega Star sa ginagawa niyang pelikulang “A Mother and Son’s Story” kasama si Alden Richards.
“Went to my doctor in St. Luke’s BGC yesterday. She inserted a camera into my nose and mouth. Sobrang clogged daw ang ilong ko and my throat is so swollen and papunta nang infection kaya ang dami kong gamot ngayon,” ayon kay Sharon.
“Nasanay na lang daw ako sa feeling ng barado ang ilong at masama ang lagay ng throat kaya di ko na narerealize pag ganon (!). Haaaay…Kasi init/ulan lagi sa shooting namin,” aniya.
Bago pa raw siya nag-guest sa unang episode ng E.A.T. nina Tito, Vic and Joey sa TV5 ay alam na niyang may diprensya na ang kanyang lalamunan.
“Before my guesting sa e.a.t. TVJ, weird na ang throat ko at naapektuhan na at sinabi ko na sa shooting yon isang gabi. Kaya pala wala akong boses sa e.a.t. nung nirequest doon na kantahin ko bigla ang part ng ‘Bituing Walang Ningning…’ Dapat pala hiningi ko magbalot ng boses! [Three face with tears of joy emojis],” pabirong sabi ng Mega Star.
Ngayon ay malinaw na sa publiko kung bakit tila kinapos si Sharon sa mataas na parte ng “Bituing Walang Ningning.”