NAGING masaya ang muling pagkikita ng mga dating players ng Añejo Rum 65ers 35 taon simula ng dalhin nila ang bagong brand na humalili sa mas sumikat na pangalang Ginebra.
Panauhin sa nakaraang episode ng Down To The Wire Podcast ang mga dating miyembro na sina Leo Isaac, Joey Loyzaga, na kasalukuyang naka-base na sa Sydney, Australia, at ang crowd favorite na si Ed Ducut.
Sumentro sa ilang importanteng paksa ang usapan, kabilang na ang pinaka popular na bansag sa kanila — ang never-say-die spirit — na bitbit ng tinaguriang Living Legend ng Philippine basketball na si Robert Jaworski.
Pero isa sa hindi malilimutang never-say-die performances ang ipinakita ng kanilang dating star forward na si Dondon Ampalayo noong Game 4 ng kanilang 1988 All-Filipino conference best-of-five finals series laban sa Purefoods.
Bago pa man lumikha ng kasaysayan si National Basketball Association Hall of Famer Michael Jordan ng Chicago Bulls sa kanyang ‘flu game’ noong Game 5 ng kanilang best-of-seven championship series laban sa Utah Jazz, nagawa ring magbigay inspirasyon ni Ampalayo sa kanyang koponan at sa kanilang hindi mabilang na fans ang isa sa maituturing na performance of a lifetime.
Mula sa kanyang hospital bed, muling isinuot ni Ampalayo ang kanyang Añejo uniform at tulungan ang 65ers sa 135-124 overtime na panalo laban sa mga bagito ngunit talentadong Purefoods Hotdogs para makopo ang kampeonato sa Game 4.
“From the hospital, derecho siya ng ULTRA (mas kilala na ngayon bilang Philsports Arena),” ang sabi ni Isaac habang sinasariwa ang pangyayari sa sitwasyon ni Ampalayo noong 1988 finals series.
“Nung nanalo na kami ng championship against Purefoods, tapos na yung Game 4, parang kailangan siyang ibalik sa hospital.”
Maging Ginebra, Añejo, Tondeña Rum or Gordon’s Gin man ang bitbit ng mga bata ni Jaworski, nananalaytay pa rin sa kanilang dugo ang espirito ng never-say-die na siyang dala-dala pa rin ng kasalukuyang koponan sa ngayon.
Lahat ng ito ay nagsimula sa work ethics na ipinamalas ni Jaworski at isa si Ampalayo na nagpakita kung paano ang katagang hindi marunong umayaw.
“Naalala ko noon, patalo na kami, people from the bleacher’s section was already lining up to the exit,” said Loyzaga, ang nakababatang kapatid ni Chito Loyzaga, na dating team captain ng koponan.
“Maya-maya, humahabol na kami, so bumabalik sila.”
Dagdag pa ni Isaac, may ilang beses na nangyari yung ganitong sitwasyon na kung saan nasa bingit na sila ng pagkatalo, pero magagawaaan nila ng paraan para manalo.
“Biglang mago-overtime, tapos yung mga tao, babalik sila sa silya para manood ulit,” kwento ni Isaac.
“Yung iba naman, nakabara na sila sa exit doors, pero nanonood pa rin,” dagdag ni Loyzaga.
Ilan ito sa mga alaalang masarap balikan, at 35 taon simula ng magkakasama sila nilang miyembro ng Añejo, iisa lang ang mantra na kanilang natatandaan — never-say-die.