Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ngayon ang apela ng administrasyong Marcos Jr.laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay sa mga patayang naganap sa isinulong na drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang umano;y death squad sa Davao City.
Ayon kay Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut, mayorya ng chamber ang pumabor sa pagbasura ng apela ng Philippine government.
“The majority finds that the pre-trial chamber did not err in law,”aniya.
Inaasahan na ng Philippine government ang naturang desisyon.
Sa ngayon ay hindi pa naman tinutukoy si Duterte bilang sentro ng imbestigasyon ngunit lahat ng prosecutors ay inilutang siya pati si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa anila’y “extrajudicial killings [that] appear to have been committed pursuant to an official State policy of the Philippine government.”
Matatandaan na bagama’t sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pasya ni Duterte na umalis ang Pilipinas mula sa Rome Statute, patuloy na naman ang paglahok ng kanyang administrasyon sa proseso.
Aminado rin si Marcos Jr. na may mga pag-aabuso sa drug war ni Duterte na kagagawan ng ilang elemento.
Kahit hindi makipagtulungan ang Philippine government sa ICC investigators, puwede pa rin magpatuloy ang pagsisiyasat lalo na’t may kasado ang koordinasyon sa mga pamilya ng biktima ng drug war.
Inaasahang maglalabas ng arrest warrant ang ICC laban sa mga itinuturing nilang “most responsible” sa mga naganap na Duterte drug war killings.###