Matapos magsagawa ng renovation sa mga nakalipas na taon, muling gagamitin ang Ninoy Aquino Stadium bilang isa sa mga practice venues sa papalapit na FIBA World Cup kung saan magiging main host ang Pilipinas katuwang ang Japan at Indonesia.
Itinatag noong late 1980s ang Ninoy Aquino Stadium at nagsilbi itong tahanan ng Philippine Amateur Basketball League noong kasagsagan ng liga.
Naging main venue rin ito ng Asian Basketball Confederation Youth Championship noong 1989 kung saan pinangunahan ang Pilipinas ng mga future stars na sina Vergel Meneses, Danny Francisco, Johnedel Cardel at Olsen Racela.
Malaki rin ang naging papel ng Ninoy Aquino Stadium noong huling nag-host ang Pilipinas ng Southeast Asian Games apat na taon na ang nakakaran kung saan naging venue ito ng weightlifting competitions.
Kaka-renovate pa lang ng Ninoy Aquino Stadium kung saan pinahiram sila ng sahig ng basketball court ng Ateneo.
Sa nakalipas na tatlong taon, ginamit itong isa sa mga vaccination sites sa Maynila sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ilang taon ring nanamlay ang naturang venue, pero tila bumabalik ito sa sirkulasyon matapos iendorso ng Philippine Sports Commission, Samahang Basketbol ng Plipinas at Local Organizing Committee Management Group ng FIBA World Cup Manila na gawin itong isa sa mga practice venues ng mga teams.
Ang mga teams na nasa Group C and D na maglalaro sa FIBA World Cup sa Mall of Asia Arena ay maa-assign na magensayo sa Ninoy Aquino Stadium.
Pangungunahan ng Team USA ang Group C na kinabibilangan rin ng Jordan, Greece at New Zeland.
Nasa Group D naman ang Egypt, Mexico, Montenegro at Lithuania.
Nasa Group A naman ang Gilas Pilipinas na kasalukuyang puspusan ang paghahanda sa papalapit nilang pocket tournament sa China kung saan lalabanan nila sa tune up games ang national teams ng Iran, Lebanon at Senegal.
Bukod sa Pilipinas, nasa Group A rin ang Angola, Dominican Republic at Italy.
Kasapi naman sa Group B ang South Sudan, Serbia, China at Puerto Rico.
Ang mga teams na kahanay sa Group A at B ay nakatalagang magensayo sa Philsports Arena, kilala dati bilang ULTRA, na naging tahanan naman ng Philippine Basketball Assiciation mula 1985 hanggang 1992.