Gaya ng kanyang mas nakatatandang kapatid na si Ella Fajardo, ang bagong sensation ng Gilas Pilipinas Women’s Basketball team, pinatunayan ni Ava Fajardo na kaya niya ring lumikha ng ingay gaya ng kanyang Ate.
Kilala na bilang face of women’s basketball si Ella, pero nais ng mas batang Fajardo na sumunod sa yapak ng mas nakakatandang kapatid
Ang FIBA U16 Women’s Asian Championship ang nagsilbing tungtungan ni Ava para mapabilang sa kasaysayan ng girls basketball team na nagawa nang tumungtong sa Division A ng naturang prestihiyosong torneo.
Ibig sabihin nito, mapapahanay na ang Gilas Pilipinas girls under-16 team sa mga malalakas na koponan sa Asian region gaya ng China, Japan, Australia, New Zealand at iba pa simula sa 2025 edition ng FIBA U16 Women’s Asian Championship.
Nagtala si Fajardo ng average na 16.2 points, 6.4 rebounds at 5.4 assists para pangunahan ang Pinay cagebelles na nagawang walisin ang kanilang limang laro sa torneo at makuha ang promotion mula Division B paakyat sa Division A.
Ang susunod na lalaruan ni Ava ay ang FIBA U18 Women’s Championship.
Noong nakaraang taon, nasilat ang under-18 women’s team ng Pilipinas ng Malaysia, 66-65, sa Division B. (REY JOBLE)