Tulad ng inaasahan, umani ng kritisismo ang Malakanyang bunsod nang inilunsad na slogan na “Bagong Pilipinas” at logo nito.
Sariwa pa kasi sa isip ng publiko ang sumaltong “Love the Philippines” ng Department of Tourism (DoT) pati ang kontrobersyal na logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Hindi pa humuhupa ang galit ng taong bayan sa dalawang kontrobersyang nabanggit, inilarga ng Malakanyang kamakalawa ang tatak daw ng kanilang pamamahala at liderato na “Bagong Pilipinas” at logo nito.
Naturalmente na binusisi ito ng netizens at nabisto na ang “Bagong Pilipinas” pala’y ginamit na ni dating Senador Raul Roco bilang slogan sa kanyang presidential campaign noong 2004 elections.
Habang ang logo ng “Bagong Pilipinas” ay kahawig naman ng “Ipanalona10parasalahat” logo ni Leni Robredo noong 2022 presidential elections
Hindi pa kumikibo ang Malakanyang kung magkano ang ginastang pera ng bayan para tustusan ang tatak na “Bagong Pilipinas” ng administrasyong Marcos Jr.
Ang pangunahing dapat sagutin ng Malakanyang ay kung kailangan ba talaga ng slogan at logo para mapatakbo ng maayos ang bayan?
Sa panahong mahigit Php14 trilyon ang utang ng bansa, hindi maawat ang paglobo ng presyo ng pagkain, tumataas ang pasahe at produktong petrolyo, umiiral ang El Nino, ang pambansang pulisya’y nasabit sa drug syndicate, kaliwa’t kanan ang patayan, ay slogan at logo ang tinutukan ng gobyerno?
Marami sa mga nakaranas ng Marcos Sr. martial law na may slogan na “Bagong Lipunan” ay naaalarma dahil baka maulit ang mapait na yugtong ito ng kasaysayan.
Sa ilalim ni Marcos Sr., ang utang ng PIlipinas ay tumaas ng 42-ulit, mula $460-milyon noong 1965 hanggang $19.3 bilyon noong 1985.
Sa loob ng nasabing panahon, hindi nangutang ang Malaysia, Singapore at South Korea mula sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB).
Bumagsak ang ekonomiya ng 7 percent noong 1984 at 6.9 percent sa sumunod na taon. Nabuko pa na nandaya ng $600 milyon ang Bangko Sentral sa reserba nito.
Sa dekada ng 1980s, tanging ang Pilipinas lamang sa buong Asia ang nabaon sa debt crisis. Ang inflation rate noong 1985 ay 12.6 percent at ang unemployment ay parang lobo na tumaas sa 49.8 percent.
Ang real wages ng manggagawang bukid ay bumagsak ng 43 percent at 71 percent naman para sa manggagawang industrial.
Sinasabi ng mga henyo sa Kongreso at Senado na kailangang baguhin ang Saligang Batas upang bumaha ng foreign direct investments (FDIs) sa Pilipinas subalit iyan ang patakarang ipinatupad ni Marcos Sr. mula 1965 hanggang 1985 habang pinayaman niya ang kanyang mga crony.
Ano ang naging epekto ng pagbubukas ng ekonomiya sa dayuhang puhunan mula 1965 hanggang 1985?
Tanging Pilipinas lamang sa buong Southeast Asia ang nagtala ng nakalulungkot na datos: Bumagsak ang bahagi ng agrikultura at industriya bilang bahagi ng gross domestic product (GDP.)
Iyan ang dahilan kung bakit nauso ang OFWs. Walang hanapbuhay sa bansa kaya ipinatapon ang milyun-milyong Pilipino sa ibayong dagat.
Naging maganda ba ang resulta ng slogan sa buhay ni Juan dela Cruz?