Daan-daang note verbale na ang inihain ng Pilipinas sa China bilang protesta laban sa kanilang mga agresibo at illegal na aksyon sa West Philippine Sea (WPS), pero wala namang nangyari.
Nanggaling mismo sa bibig ni dating National Security Adviser Clarita Carlos na marami rin siyang ipinadalang memorandum kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa usapin noong siya pa ang NSA
“Ang dami ko ng memo kay President Bongbong. Ilang hundreds na yang note verbal na binibigay natin and we expect the same result? Para tayong tanga,” sabi ni Carlos sa panayam sa The Chiefs sa One News kamakalawa.
Ilang buwan na ang nakararaan, idineklara ni Marcos Jr. na hindi niya papayagan mapunta sa iba ang kahit na katiting ng teritoryo ng bansa.
Sa ika-pitong anibersaryo ng 2016 arbitration ruling laban sa mapanakop na nine-dash line ng China sa South China Sea noong Miyerkoles ay inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng kanilang survey na walo sa sampung Pilipino ay naniniwalang kailangang makipag-alyansa ng Pilipinas sa ibang mga bansa upang ipagtanggol ang West Philippine Sea (WPS).
Ngayong nabatid na paborable ang sentimyento ng mga Pinoy sa pagtataguyod ng teritoryo ng bansa, napakagandang oportunidad ito para kay Marcos Jr. upang igiit ang pagpapatupad ng 2016 arbitral ruling .
Sabi ng ani Carlos, “What the leader needs to do is, tutal Bongbong already made a declaration. Made a choice, explain niya sa public. Let the public be with you there. Any foreign policy decision, the public has to be there. Kasi pag hindi mo nahila yung public, may problema ka.”
Hindi nga naman magkakamali ng diskarte si Marcos Jr. kung nasa likod niya ang sambayanan sa pagtindig para sa ating teritoryo at mga kaalyadong bansa.
Pakinggan niya ang panukalang idulog sa United Nations ang problema sa WPS upang gumawa ng resolusyon na nag-uutos sa China na kilalanin at sundin ang 2016 arbitral ruling.
Sa kagyat, dapat na kastiguhin ni Marcos Jr. si Chinese Ambassador Huang Xilian na namimihasa na sa pinagsasabi laban sa Pilipinas habang narito siya sa ating teritoryo.
Puwede naman niyang hilingin sa China na palitan si Huang ng isang ambassador na kayang rendahan ang bibig at pairalin ang diplomasya lalo na’t iyon ang pangunahing tungkulin niya.
Dapat ipamukha sa Beijing na puno na ang salop.