Nararapat lamang na bawasan ang kurikulum sa Grades 1 to 3 at mag-focus na lamang sa functional literacy nang sa ganon lalo pang mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Kaya naman labis ang tuwa ni Pasig City Representative Roman Romulo nang malaman nya na may bago ng kurikulum ang Department of Education para rito. Si Romulo ang kasalukuyang chairman ng House Committee on Basic Education and Culture.
Pero pakiusap ng kongresista sa kagawaran, sana agad-agad itong i-implement sa darating na pasukan.
Ayon sa mambabatas, gawing simple na lamang ang mga asignatura o subjects sa Grades 1 to 3 at mag-focus na lamang sa reading at mathematics. Huwag na aniya gawing komplikado pa ang pagtuturo sa mga bata kundi sumentro na lamang sa mga aspetong mas lalo pang mapaigting ang reading comprehension at basic knowledge sa mathematics.
May mga pagsusuri at assessment kasi na marami sa mga Grades 1 to 3 learners ang hindi marunong magbasa at hindi naiintindihan ang kanilang binabasa at hindi marunong sa matematika.
Ayon sa isang pilot project o pag-aaral na isinagawa sa Region 5 at 6 na may layuning sukatin ang kakayahan ng mga bata sa pagkatuto, partikular sa Grades 1 to 3, lumalabas na nag-grow exponentially ang kanilang reading comprehension nang binawasan ang kanilang subjects at tumutok sa reading at mathematics.
At ayon naman sa pag-aaral ng World Bank, 90 porsyento sa mga 10-year-old learners sa bansa ang hindi marunong magbasa at hindi nauunawaan ang kanilang binabasa partikular sa mga mag-aaral na nag-undergo sa remote learning noong panahon ng pandemya.
Kaya naman ang proposed new curriculum for Grades 1 to 3 ang tanging kasagutan para ma-address ang nasabing learning loss kung saan 90 porsyento sa mga 10-year-old learners ang may problema sa reading comprehension.
Nakita na po natin ang kasagutan. Sana ma-implement po agad ito sa darating na pasukan o taong pampaaralan. Rebyuhing maigi ang basic education curriculum hindi lamang para sa Grades 1 to 3 kundi sa lahat ng antas.
Sana this time nasa tamang direksyon na po tayo para tahakin ang tamang landas ng pagkatuto ng mga learners.